ANO EPEKTO NG KALAKALANG GALYON SA PILIPINAS? PAANO NATAPOS? OBRAS PIAS
Ano ang Kalakalang Galyon (Galleon trade)?
Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas ay mayroon nang masiglang pakikipagpalitan ng produkto sa mga karatig bansa tulad ng Cambodia, Borneo at Siam (Thailand sa kasalukuyan). Ngunit ipinagbawal ng Espanya ang pakikipagkalakan sa mga kalapit na bansa at tanging sa mga bansang China at Mexico lamang pinahintulutan na makipagpalitan ng mga produkto dahil ang mga bansang ito ay kolonya rin ng naturang dayuhan.
Ang Kalakalang Galyon ay naging monopolyong kalakalan na ang nangasiwa ay ang pamahalaan. Ito ay bilang pagsunod sa utos ng hari ng Espanya. Ang kautusang ito’y isinagawa upang protektahan ang mga mangangalakal na Kastila sa Cadiz at Seville na humina ang negosyo nang mga panahong iton. Mula 1583 yaon lamang mga sasakyang-dagat ang makapagdadala ng mga produkto sa Pilipinas patungong Mexico at pabalik sa Pilipinas. Nagtakda pa ang kota na halagang 250,000 (Mexican Peso) ang mga produktong mailuluwas ng mga mangangalakal sa Acapulco, Mexico. Yaon namang mga produktong maipapasok sa Mexico ay pinatwan ng taripa. Ang mga produktong maaaring ipadala sa Maynila mula sa Mexico ay nagkakahalaga ng 500,000 (Mexican Peso).
Nangailangan ng malaking halaga bilang puhunan ang nais makilahok sa kalakalang galyon. Dahil dito ay napilitan ang mga mangangalakal na mangutang sa Obras Pias. Ang halagang naipon ng Obras Pias na nakalaan na mangutang sana sa kawanggawa ay naipautang sa mga mangangalakal. Pinatungan ito ng malaking interes o tubo. Yaong nangutang sa Obras Pias ay mga kalahok sa kalakalang galyon. Naubos ang pondo ng Obras Pias dahil di nakabayad ang mga nangutang bunga ng pagkalugi ng mga ito.
Epekto ng kalakalang galyon sa Pilipinas
Ang mga magsasakang Pilipino ay nakaranas ng pagsasamantala ng mga dayuhan. Pinagbungkal sila ng lupa at jinuhanan ng buwis upang pakainin at sustentuhan ang mga opisyal ng kolonya, kasapi ng simbahan at maging ang mga kapwa katutubong Pilipino na nabigyan ng kapangyarihan na maging tagapagbantay ng mga lupain. Pinagtrabah ang masa sa paggawa ng mga gusali ng gobyerno, bahay ng mga kolonyalista, simbahan, daan, tulay, at mga barkong galyon at pandigma. Maramihan silang dinala saan mang lugar para magtibag ng bato, magtroso, maghakot, at gumawa ng tina.
Hindi nakaranas ng pag-unlad ng Pilipinas sa panahon ng kalakalang galyon. Namatay ang palitan ng mga local na kalakal sa mga kalakal na mula ibang bansang Asyano. Ang pagiging palaasa rin ng gobyerno sa kita mula sa Kalakalang Galyon ay nagbunga ng pagpapabaya sa pag-unlad ng agrikultura at industriya sa Pilipinas.
Paano natapos ang kalakalang galyon?
Bumagsak ang kalakalang galyon noong huling bahagi ng ika-18 siglo kasabay ng pagbagsak ng Espanya dahil sa mga mga banta at kaguluhang naranasan at pag-abanse ng teknolohiya sa iba pang mga bansa sa Europa. Natalo ng mga telang gawa sa pabrika ang mga telang seda na mula sa China. Nadaig ng kapitalistang Inglatera ang pagiging makapangyarihang kolonya ng Espanya at ang mga galyon ay paulit-ulit na sinalakay ng mga pirata.
Sanggunian: Zaide, G. et.al. 2010. “Philippine history: expanded and updated edition”
Oliveros, R. et.al 2011. “Ang kasaysayan at pamahalaan ng Pilipinas”