Hinda maikakaila na sa tuwing nababanggit ang pangalan ni Lapu-Lapu, ang una nating naaalala ay ang pagpatay niya sa conquistador na si Magellan. Bakit nga ba? Marahil dala ng ating maikling attention span sa history class o kaya nama’y sadyang mas madali lang talagang i-memorya ang nakaka-aliw na kanta ni Yoyoy Villame. Gaano mo nga ba siya kakilala? Heto’t alamin natin ang mga kawili-wili at kontrobersyal na mga detalye tungkol sa buhay ng kinikilalang “Unang Bayaning Pilipino”:
· Siya ay tinawag sa ilalim ng iba’t-ibang pangalan: Cilapulapu, Salip Pulaku, Cali Pulaco at Lapu-Lapu Dimantag.
· Walang eksaktong makapagtuturo ng kanyang pinagmulan at araw ng kapanganakan. Maraming alamat at mga bersiyon ang patuloy na pinag-aaralan ng mga historyador tungkol sa paksang ito. Ayon sa isang bersiyon, si Lapu-Lapu raw ay anak ng isang Datu Mangal na namuno sa mga Sugbuanon ng Opong. Ayon naman sa isang pagsasalaysay na hango sa librong Aginid, Bayok sa Atong Tawirik (1952) ni Jovito Abellana, si Lapu-Lapu ay unang naitala na dumating mula sa Borneo.
· Kung tunay ngang galing siya ng Borneo, mali ang tawagin siya bilang “Unang Bayaning Pilipino”. Pero sino nga ba ang makapagsasabi kung sino ang lokal o hindi? Alalalahaning ang sistema ng sultanato ay dala ng mga Malay at dahil dito, maaaring sabihin na maging si Rajah Humabon at ang iba pa ay mga dayuhan lamang. Isa pa, sa puntong teknikal, mali nang gamitin ang terminong “Pilipino” dahil hindi pa pinangalanang Pilipinas ang kapuluan noong panahon ni Lapu-Lapu.
· Sinasabing sa edad na 6, marunong na siyang mangabayo at sumakay sa kalabaw. Natuto siyang magbasa at magsulat sa edad na pito, at naging kampeon sa paglangoy, boksing at wrestling nang mag-18. Nagawa rin daw niyang talunin ang mga magnanakaw at pirata ng dalwang beses sa edad na 20.
· Humingi si Lapu-Lapu mula kay Rajah Humabon ng lupang pwedeng linangin ng kanyang pamilya at mga tauhan. Ipinaubaya naman ni Humabon ang bayan ng Mandawili (ngayon ay Mandaue) at ang isla ng Opong kay Lapu-Lapu.
· Naging matalik na magkaibigan ni Lapu-Lapu si Rajah Humabon. Si Humabon ang siyang itinuturing na Hari ng Sugbu (Cebu) na sentro ng pangangalakal sa pagitan nga mga lokal at dayuhan. Nasira ang pagkakaibigang ito ng sinimulan ni Lapu-Lapu ang pamimirata na siyang nagpahina sa kalakalan sa Sugbu.
· Dalawa ang datu ng Mactan sa panahon ni Lapu-lapu. Ang isa pang datu ay si Datu Zula. Isa siya sa tumanggap sa alok ng Portuges na si Magellan na kilalanin ang Hari ng España.
· Abril 27, 1521 – Pinangunhan ni Magellan ang nasa 60 Kastila at nasa 20-30 na balangay ni Humabon para harapin ang hukbo ni Lapu-Lapu sa Mactan. Para ipanghambog ang kakayahan ng teknolohiyang galing Europa, inutusan niya ang mga tauhan ni Humabon na huwag makialam. Dito na nga binawian ng buhay ang manlalayag na Portuges. Ayon kay Antonio Pigafetta, umabot sa 1,500 na mangdirigma ni Lapu-Lapu ang sumalubong sa grupo ni Magellan.
· Ayon pa rin sa aklat na Aginid, naibalik ang pagkakaibigan ni Rajah Humabon at Lapu-Lapu matapos ang labanan sa Mactan. Kasama ang kanyang tatlong asawa, labing-isang anak at labing-pitong mga tauhan, nagdesisyon si Lapu-Lapu na bumalik sa Borneo. Mula noon ay wala nang naging anuman balita tungkol sa kanya. Walang makapagsasabi kung paano at kailan siya namatay. Ayon pa sa isang alamat, hindi siya namatay, bagkus ay naging bato at mula noon ay naging bantay ng mga karagatan ng Mactan.
Nabalot man ng kontrobersiya ang buhay ng magiting na si Lapu-Lapu, hindi maitatanggi na ang kanyang kadakilaan ay marka ng isang tunay na bayani – isang pagpapakita ng katapangan ng isang tunay na Pilipino.