Pamilya at Unang Bahagi ng Buhay
Si Marcela Agoncillo ay isinilang ta Taal, Batangas noong Hunyo 24, 1859 sa mayaman at relihiyosong mag-asawang Francisco Mariño at Eugenia Coronel. Itinuturing si Agoncillo na pinakamaganda sa lahat ng mga dalaga sa buong probinsya. Binansagan siyang “Roselang Bubog”. Nag-aral siya sa Santa Catalina College, isang ekslusibong paaralan para sa mga babae. Dito niya natapos ang elementarya at sekundarya. Sa kolehiyo, natutunan niya ang linggwaheng Español, musika, mga sining pambabae at mayuyuming asal. Bilang magaling na mang-aawit, mangilang beses na rin siyang lumahok sa ilang sarsuwela sa probinsya. Tulad ng inaasahan, si Marcela ay nakitaan ng husay sa pananahi.
Dahil sa angking kagandahan at husay sa iba’t-ibang bagay, nagkandarapa ang mga manliligaw ni Marcela. Ngunit sa lahat ng mga ito, ang mayamang binata na si Don Felipe Agoncillo – isang abogado – ang bumihag ng kanyang puso. Sila ay kapwa 30-anyos nang magpakasal.
Nabiyayaan sila ng anim na anak, pawang mga babae. Maayos ang pagpapalaki ng mag-asawa sa kanilang mga ito. Tatlo sa mga ito ang hindi na nakapag-asawa dahil naka-pokus ito sa kanilang propesyon ng pagtuturo. Ang anak nilang si Gregoria ang naging kauna-unahang babae na nagtapos sa Oxford University. Isa sa mga paboritong payo ni Marcela sa kanyang mga anak ay ang “mamuhay ng tapat at maayos, at magsipag nang hindi umaasa sa kung anong mayroon ang pamilya”. Naging tradisyon ng kanilang pamilya ang magkawangggawa kada araw ng Huwebes. Binibigyan nila ng bigas at pera ang mga taong nag-aabang sa labas ng kanilang bahay.
Paninirahan sa Hong Kong
Nang mabalitaan ni Don Felipe ang pagpapa-deport sa kanya ng Gobernador-Heneral, naglayag siya patungong Yokohama, Japan. Di kalaunan, tumungo siya ng Hong Kong upang samahan ang ilan pang mga Pilipinong naipatapon doon. Pagkatapos ng 22 buwan, sumunod sina Marcela at kanilang mga anak. Nangupahan sila sa isang bahay sa 535 Morrison Hill sa distrito ng Wan Chai. Naging tagpuan at kanlungan ng iba pang Pilipino ang tahanan nila. Ilan sa mga tinanggap nila ay sina Antonio Luna at Emilio Aguinaldo. Naging panauhin rin nila si Joesphine Bracken, nobya ni Rizal, na nagtago sa kanilang tahanan dahil planong i-torture ng mga Kastila.
Si Marcela at ang Watawat ng Pilipinas
Pinakiusapan ni Emilio Aguinaldo ang maybahay ng kanyang Minister Plenipotentiary na tumahi ng isang watawat na naayon sa disenyong siya mismo ang kumatha. Ito ay kakatawan sa nasyonalismo ng bawat Pilipino. Malugod na sumang-ayon si Marcela. Nagpatulong siya sa kanyang panganay na si Lorenza (7 taong gulang) at kay Delfina Hebosa Natividad na pamangkin ni Jose Rizal. Natapos nila ito sa loob ng limang araw. Noong Mayo 17, 1898, personal na inabot ni Marcela ang watawat kay Aguinaldo. Ito ang watawat na itinaas at iwinagayway sa bintana ng tahanan ni Aguinaldo sa makasaysayang Araw ng Kalayaan – Hunyo 12, 1898.
Pagbabalik-Bansa at Kamatayan
Naging mahirap ang buhay ng mga Agoncillo sa Hong Kong. Umabot pa sa punto na kinailangan nilang ibenta ang kanilang mga alahas at ilang damit. Naubos ang kanilang pera dahil sa magastos na paglalayag ni Don Felipe sa Pransya at Amerika para sa mga diplomatikong dahilan. Bumalik ang pamilya Agoncillo sa Pilipinas na walang-wala. Nakaahon rin sila nang makabalik si Don Felipe sa pagtatrabaho.
Nang mamatay si Don Felipe, naghirap muli ang pamilya dahil sa kakulangan ng suplay sa pagkain, tubig at ilang pang pangangailangan. Napalubha pa ang sitwasyon ng dumating ang mga Hapones. Sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling kalmado at praktikal si Marcela. Dinala niya ang pamilya pabalik sa Taal, Batangas. Sinasabing lubos raw na dinamdam ni Marcela ang pagkamatay ng asawa kaya kinailangang itago ng kanyang mga anak ang lahat ng larawan ng kanilang ama. Naging sakitin si Marcela. Ang kondisyon niya ay palubha nang palubha hanggang ika-30 ng Mayo 1946, namatay siya sa edad na 86.