Unang Bahagi ng Buhay at Pamilya
Si Ramon del Fierro Magsaysay, Sr. ay ipinanganak sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 sa mag-asawang Exequiel Magsaysay y de los Santos na isang panday at Perfecta del Fierro y Quimson na isang guro. Nag-aral siya ng hayskul sa Zambales Academy, kumuha ng pre-medicine na kurso sa University of the Philippines at nagtapos ng baccalaureate in commerce sa Instiute of Commerce ng Jose Rizal College. Malayo sa mundo ng pulitika, siya ay unang nagtrabaho bilang isang mekaniko sa isang talyer ng bus.
Ikinasal si Magsaysay noong Hunyo 16, 1933 kay Luz Banzon at nabiyayaan ng tatlong anak. Ang anak niyang si Ramon Magsaysay Jr. ay naging Congressman at Sendaor. May iilan ring kaanak si Magsaysay ang pumasok sa public service. Si Genaro na kanyang kapatid ay minsan na ring nag-senador; ang pamangkin niyang si Vicente ay naging Congressman at Gobernador ng Zambales; at si JB Magsaysay na kanyang apo sa pamangkin ay pumasok sa pulitika at naging artista sa ABS-CBN.
Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Nang pumutok ang World War II, umanib siya sa 31st Infantry Division ng Philippine Army. Hinirang siyang kapitan noong Abril 5, 1942 matapos niyang itatag ang Western Luzon Guerrilla Forces. Isa si Magsaysay sa mga aktibong nagtaboy sa mga Hapones paalis sa mga baybayin ng Zamboanga bago dumating ang karagdagang hukbo ng mga Amerikano at Pilipino.
.
Kalihim ng Tanggulang Pambansa
Hinirang na Secretary of National Defense si Magsaysay ni Pres. Elpidio Quirino noong Agosto 31, 1950. Inatasan siyang buwalin ang komunistang gerilya na Hukbalahap. Matagumpay na napahina ni Magsaysay ang pwersa ng rebelde gamit ang hindi-tradsiyonal na taktika. Alam niyang sa suporta lamang ng masa nakakahugot ng lakas ang mga rebelde, kaya imbes na ubusin ang kanilang oras sa pagtugis sa mga Huks, inatasan niya ang kanyang mga sundalo na pakitaan ng maayos na pakikitungo ang mga magsasaka. Pinagkalooban niya ng lupa at mga kagamitan ang sinuman sa mga ito na lumapit sa gobyerno at humingi ng tulong. Tinanggal niya ang mga tiwali at incompetent na opisyal sa hanay ng kasundaluhan. Ikinatuwa ng mga tao ang kampanya ni Magsaysay at tinagurian siyang ‘Idolo ng Masa’.
Pagpasok sa Pulitika
Dahil sa kanyang matagumpay na kampanya laban sa Hukbalahap, itinuring si Magsaysay na banta sa planong pagtakbong muli ni Pangulong Quirino para sa ikalawang termino. Wala naman siyang planong tumakbo pagka-presidente noong una, subalit ang panggigipit ng kampo ni Quirino ang nag-udyok sa kanya na subukan ang pulitika. Napag-isip-isip niya, mas matutulungan niya ang masa at mas masusupil ang komunismo kapag siya na ang tagapamuno ng bansa. Nagbitiw siya bilang kalihim ng National Defense noong Pebrero 28, 1953 at tumakbo sa pagka-pangulo sa ilalim ng Partido Nacionalista, kahit na siya ay isang Liberal. Nobyembre 10, 1953 ginanap ang halalan at si Magsaysay ang naging 7th President ng Republika ng Pilipinas. Ipinangako niya ang pagkakaroon ng malawakang reporma na makaka-benepisyo sa lahat ng estado ng Pilipino. Ngunit kahit na nakuha niya ang suporta ng Kongreso noong Hulyo 1955, nabigo siyang ipatupad ang mga reporma dahil sa kawalan ng interes ng karamihan sa mga nasa gobyerno.
Ang administrasyong Magsaysay ang itinutring na pinakamalinis at pinaka-corruption-free sa kasaysayan ng pamahalaang Pilipinas. Madalas itong banggitin bilang “Golden Years” ng Pilipinas.
Kontrobersyal na Kamatayan
Marso 16, 1957 – Sa isang aksidenteng hindi pa rin maipaliwanag magpa-hanggang ngayon, si Ramon Magsaysay ay namatay sa isang plane crash lulan ng C-47 pauwing Maynila galing sa ilang appointments sa Cebu. Ang C-47 na pinangalanan ni Magsaysay na Mt. Pinatubo, bagamat reconditioned lamang, ay nasa kondisyon at kaka-kumpuni lang. Marami ang tiningnang anggulo tulad ng sira sa wirings, overloading, at lasing na piloto. Pinabulaanan ang teoryang sinabotahe ang eroplano ngunit iba ang pananaw ng anak ni Magsaysay na si Ramon Magsaysay Jr.
Kahit na nabigo na maibigay ang repormang para sa mahihirap na Pilipino, napamahal pa rin siya sa masa dahil sa pagpapakita niya ng imahe ng isang lingkod-bayan na may integridad at hindi natutumbasan ng pera.