Ipinagpalagay sa artikulong ito na ang mambabasa ay marunong na ng mga multiplication at division.
Ang bigat ng isang bagay ay isa sa mga katangian na madalas na gamitin sa pang-araw-araw na buhay. Ang katangiang ito ay madalas na ginagamit sa kalakalan katulad ng sa mga palengke, grocery at iba pa. Madalas ay nalalagyan ng halaga ang isang bagay batay sa kanyang bigat kaya’t mahalagang malaman natin kung ano ito at kung ano ang mga yunit nito. Maliban sa yunit, mahalagang malaman din natin kung paano ang pagpapapalit ng mula sa isang yunit ng bigat patungo sa isa pa.
Ang ilan sa mga yunit ng bigat ay ang mga sumusunod: gramo (gram), kilo (kilogram), libra (pound) at ang tonelada (ton). Ang tonelada o ton ay ginagamit sa mga bagay na sobrang bigat katulad na lamang ng mga trak at barko. Ang gramo, kilo at libra naman ay ginagamit sa mga bagay na mas maliliit at kayang buhatin ng isang o iilang tao. Narito ang mga conversion factor na maaaring gamitin upang magpalit mula sa isang yunit patungo sa isa pa.
1000 gramo = 1 kilo
1000 kilo = 1 tonelada
1 kilo = 2.2 libra
Halimbawa, nais nating isulat ang limampung (50) kilo sa gramo. Mula sa conversion factors, ang isang kilo ay may 1000 gramo. Ibig sabihin, kailangan nating i-multiply ang 1000 gramo sa limampung (50) kilo para makuha ang 50000 gramo. Maaari ding gamitin ang paraang factor label upang makita nang maayos ang proseso:
Paano naman kung nais palitan ang yunit ng apatnapu’t apat (44) na libra sa kilo? I-divide ito sa 2.2 libra upang makuha ang tamang sagot na dalawampung (20) kilo.
Sa unang halimbawa, ang kilo papuntang gramo ay malaking yunit papuntang maliit na yunit, kaya’t tayo ay gumamit ng operasyon na multiplication. Sa ikalawang halimbawa, ang libra papuntang kilo ay maliit na yunit papalaki, kaya’t gumamit tayo ng operasyong division. Sa susunod na magpapalit ng yunit ng bigat, alamin muna kung ang hinihingi ay malaking yunit papaliit o ang kabaligtaran upang malaman kung ano ang gagamiting operasyon.