Ikaw ay kasal ng legal sa iyong asawang Japanese at nais mong magpa-divorce?
Unang tanong, saan kayo ikinasal? Sa Pilipinas ba or sa Japan? Mahalaga ito kasi, kung sa Japan kayo ikinasal, maaari kang magpa-divorce pero kung sa Pilipinas kayo ikinasal, walang divorce dito. Annulment lang.
Pangalawang tanong, saan kayo citizen? Yung asawa mong Japanese, hanggang ngayon ay Japanese citizen? Ikaw, Japanese citizen ka na rin ba? Kasi, kung Japanese citizens kayo pareho, puede kayong mag-pa-divorce sa Japan. Kung ikaw ay Pilipina, at ang asawa mong Japanese hanggang ngayon ay citizen pa rin ng Japan (hindi siya nagpa-citizen sa Pilipinas), maaari kang i-divorce ng asawa mo sa ilalim ng batas ng Japan (sorry, wala akong alam sa batas ng mga Japanese). Pero ikaw, dahil sa Pilipino citizen ka, hindi mo puedeng i-divorce ang asawa mo. Walang divorce sa Pilipinas.
Kung nais mo, dito sa Pilipinas, maaari kang magpa-annul ng marriage ninyo, pero, kailangan mo nang mabigat na dahilan na maaaring i-ugnay sa psychological incapacity to fulfill the essential obligations of marriage. Ito lamang ang nag-iisang ground para sa annulment ng marriage na walang kinalaman sa ligalidad ng pagse-selebra ng marriage.
Napaka-hirap nitong i-prove. kailangan ay may psychologist o psychiatrist pag susuri sa inyong dalawa at ang propesyonal na ito ay haharap sa husgado upang magsalaysay ng opinion niya tungkol sa personality disorder ng asawa mo.
Hindi komo't hindi kayo magka-sundo at laging nag-aaway ay may psychological incapacity na. Isang psychiatrist lamang ang puedeng magsabi kung ang isang tao ay may personality disorder sukat na hindi niya alam o batid ang mga obligasyon ng kasal kung kaya't hindi niya magampanan ang mga obligasyong ito.
Ang kabaklaan or pagiging tomboy ay grounds lamang para sa legal separation. Ang pambubugbog ay maaring manifestation ng psychological incapacity ngunit, kailangang ma-prove na bago pa kayo ikasal, may tendency na siya sa violence at noong ikasal kayo, saka mo lamang nakita na mayroon nga siyang tendency toward violence.
Kung ikaw ay nilalait at hinihiya sa publiko, kung ikaw ay kino-kontrola bawat galaw mo, hindi lang annulment dahil sa psychological incapacity ang maaari mong isampa, maaari ka ring magsampa ng habla sa ilalim ng batas na Anti-Violence against Women and their Children.
kailangan mong sumangguni sa isang abogado na pinagkakatiwalaan mo at kailangan mong ilahad sa abogadong iyon ang mga bagay-bagay sa inyong pagsasama na maaaring makapag-bigay ng ideya sa abogado upang masabi niya sa iyo kung ito ba ay sumasailalim sa saklaw ng 'psychological incapacity'.
Hindi ko masasagot ng buo ang iyong katanungan.