Naranasan mo na din bang malagasan, mabalian, o di kaya’y mabulukan ng ngipin sa panaginip mo? Hindi ka nag-iisa at wag mong isiping kakaiba ang nangyari sayo. Halos lahat ng mga tao, kahit hindi pa man sila nasisiraan o nabubulukan ng ngipin eh naranasan ng managinip na nalagasan ng ngipin.
Minsan nga baka akalain mo na totoo itong nangyayari. Ayon sa mga eksperto, posibleng dahilan ng mga ganyang panaginip eh yung malalalim na emosyon ng isang tao gaya ng ego o pride na natatapakan o nadagdagan. Ano nga ba ang ibig-sabihin ng ganitong mga panaginip? Sa totoo lang, walang eksaktong sagot sa kung ano ang ibig sabihin ng mga panaginip pero ang emosyon natin ang talagang nakakaapekto sa panaginip. Heto ang ilang posibleng dahilan:
- Nanghihina o nawawalan ng kontrol sa isang bagay. Baka pakiramdam mo eh pagod na pagod ka na at parang wala kang magawa sa sitwasyon mo. May mga karanasan na nanaginip na nalalagasan o nagkanda-laglag ang ngipin matapos makipag-hiwalay sa karelasyon o masesante sa trabaho. Baka naman may pinagtatakpan kang kahinaan o may sekreto ka na nabuko at talagang napahiya ka. Ipinapakita ng pagkalaglag ng ngipin ang mahinang ugnayan o sa reyalidad, kapag ang mga bagay na dating pinanghahawakan mo eh nawala gaya ng kaibigan, trabaho, relasyon, mga pag aari at iba pa. Kung minsan, nararanasan din ito ng mga natatakot magmukhang matanda dahil sa pag-edad, mga nagsisinungaling, o may pinakatatago-tagong lihim.
- Nakakaramdam ng inggit o natapakang pride. Sa ganyan namang sitwasyon, baka napanaginipan mong nabulok lahat ng ngipin mo. Sa mga pelikula o kahit sa totoong buhay, ang mga mahihirap, inaapi, o walang alam eh bulok ang ngipin. Baka may matagal ka ng itinatago na mga inggit o inaasam na mataas na posisyon sa trabaho o sa eskwela pero hindi mo makuha-kuha. Baka may kailangan kang baguhin sa sarili mo. O baka naman naapektuhan ka ng panlalait o kalagayan ng iba sa buhay na di hamak na mas mataas kaysa sa iyo. Kung minsan naman, kapag puro panlalait ang lumalabas sa bibig ng isang tao, nananaginip siya na nabulok ang lahat ng ngipin niya. Baka indikasyon yan na mas pagbutihin mo ang sarili mo o makontento ka nalang.
- Stress o sobrang pag-aalala. Baka hindi pa man nangyayari ang kinatatakutan mo eh iniisip mo na at tensyonado ka sa buong araw at pagkatapos eh napanaginipan mong nasira lahat ng ngipin mo. Posibleng yan ang dahilan. Ganyan ang napanaginipan mo dahil sa kakaisip na baka masira ang pinaghirapan mo o kahit ano pang bagay na iniingatan mo.
- Masyadong iniisip ang pisikal na hitsura. Ang mga ngipin naman talaga ang isa sa pinaka mahalagang parte ng mukha na nakakadagdag o nakakabawas sa kumpyansa ng isang tao. Baka pakiramdam mo eh hindi ka ganon kagandahan o baka madalas kang masabihang panget kaya’t nanaginip ka na nasira o nabulok ang ngipin mo. Baka pakiramdam mo din eh walang nagkakagusto sayo o na lagi kang mapapahiya sa harap ng ibang tao.
Repleksiyon ng mga panaginip ang emosyon at laman ng isip at puso natin kahit na parang napakahirp unawain ang mga panaginip. Wala naman talagang makakapagsabi o makakapagpaliwanag ng pinakamalalalim na kaisapan ng isang tao kapag tulog siya. Baka indikasyon lang ang mga kakaibang panaginip na kailangan mong gumawa ng pagbabago sa sarili mo o mas positibong mangyayari sa hinaharap.
References:
Freud, S. (1994). The Interpretation of Dreams (Modern Library) (Reissue ed.). Modern Library.
American Psychology Association. (n.d.). APA dictionary of psychology. Retrieved from https://dictionary.apa.org/dream-interpretation
References:
Freud, S. (1994). The Interpretation of Dreams (Modern Library) (Reissue ed.). Modern Library.
American Psychology Association. (n.d.). APA dictionary of psychology. Retrieved from https://dictionary.apa.org/dream-interpretation