Susi sa Isang Maunlad na Pamayanan
Ang salitang Bayanihan ay hango sa salitang ugat na Bayani na unang ginamit noong 1975 sa isang manuskrito na pinamagatang “Vocabulario de la Lengua Tagala” ni P. Juan de Noceda at P. Pedro de Sancular. Ang ibig sabihin nito ay Obra Comun o group work. Tumutukoy ito sa diwa ng pagkakaisa ng isang pamayanan para makamit ang isang partikular na mithiin. Ang kagawiang ito ay laganap sa buong Pilipinas, sa katunayan, ang salitang Bayanihan ay may katumbas na salita sa iba’t ibang panig ng bansa. Tinatawag itong kapanyidungan ng mga Ibatan ng Batanes. Ammoyo ang tawag nito ng mga Ilokano. Tiklos naman ito ayon sa mga Waray ng Leyte habang bataris o batarisan naman raw ayon sa mga Tagalog. Maging ang mga Maranaw ng Mindanao ay mayroong termino para rito – kapamagawida.
Ang Bayanihan ay isang tradisyong Pilipino kung saan ang paglipat ng tirahan ng isang pamilya ay pinagtutulungan ng buong bayan. Ang mismong buong bahay na malimit gawa sa kawayan at nipa (Bahay Kubo) ay boluntaryong binubuhat ng mga kalalakihan. Sabay-sabay nila itong maingat na dinadala sa bagong paglilipatang lugar ng pamilya. Ang mga babae naman ay manonood lang, kaswal na magkukwentuhan at i-che-cheer ang kalalakihan. Maghahanda ang pamilya ng isang piging bilang pagpapasalamat sa mga nagboluntaryong tumulong.
Ipinapakita ng diwa ng Bayanihan ang isang imahe ng pamayanang Pilipino na handang magtulungan nang walang hinihintay na kapalit – isang komunidad na binubuklod ng nagkakaisang mamamayan at mapayapang pamamalakad.
Lumipas ang maraming taon at marami na ang nagbago. Yung dating Bahay Kubo na dati’y masaya at tulong-tulong na pinapasan ay napalitan na ng malalaking bahay na gawa sa di matinag-tinag na konkreto. Sa panahon kung saan nauuso ang pataasan ng bakod, untin-unting nawawala ang pakikisalamuha sa pagitan ng magkakapit-bahay.
Mayroong isang bulok na pag-uugali ang tila ba pumapatay sa Bayanihan. Ang kaugaliang ito ay tila namana ng mga Pilipino sa mga mananakop na Kastila. Ito ay ang Crab Mentality. Kapag inilagay mo ang isang grupo ng mga talangka sa isang balde, pipilitin ng bawat isa na makalabas sa pamamagitan ng pag-apak sa ibang kasama nilang talangka. Walang kooperasyon at pagtutulungan. Gaya ng talangka, ang taong my mentalidad nito ay gagawin ang lahat para umangat sa buhay, umapak man siya sa ibang tao para makamit ang kagustuhan niyang ito.
Ngunit hindi pa tunay na nakalimutan ang Bayanihan. May iilan pa ring maliliit na bayan sa Pilipinas ang ginagawa ito. Patunay pa sa pagpapahalaga at di-pagkalimot sa mahalagang tradisyon na ito ay ang taon-taong pagdririwang ng Bayanihan Festival ng Barangay Ugong ng Lungsod ng Pasig sa araw ng kanilang pista. Ang araw na ito ay sa Linggo bago ang Feast of Christ the King kada Nobyembre.
Para umunald ang bayan, ang halaga ng Bayanihan ay kailangang maitatag muli – ang pagtutulungan ng bawat isa nang walang hinihinging kapalit. Pagtulungan nating mai-angat ang mga pangarap, pag-asa at estado ng ating kapwa Pilipino. Pagpapaubaya at respeto ay pag-aralang muli. Sapagkat kung iisa ang ating mga damdamin, tayo na rin ang magsisilbing susi ng isang maunlad at mapayapang pamayanan.