ANG SIGAW SA PUGAD LAWIN (CRY OF PUGAD LAWIN)
Ang sigaw sa Pugad Lawin ay isang natatatanging pangyayari sa kasaysayan ng kung saan ang mga miyembro ng KKK ay sabay-sabay na pinunit ang kani-kanilang sedula bilang pagpapatunay ng kanilang tuluyang pagtutol sa pamumuno ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ito ay naganap noong Agosto 23, 1896 sa pamumuno ni Andres Bonifacio na siyang supremo ng Katipunan.
Mga pangyayari bago ang sigaw sa Pugad Lawin
Noong Hulyo 5, 1896 nang malaman ng pamahalaang Espanya ang samahang KKK o Kataas-taasang, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ang liham na ipinadala ni Tenyente Manuel Sityar na isang opisyal ng Pasig ang naglahad sa Gobernador Sibil ng Maynila ang kaniyang nalalaman tungkol sa naturang samahan. Ayon sa kaniyang balita, ang samahan ay buong-tapang na naglalahad ng mga kamalian ng pamahalaan at ang puwersa nito ay umabot na maging sa kalapit na sakop ng Maynila gaya ng Mandaluyong at San Juan. Mayroon na ring nalikom na pondo ang samahan upang makabili ng kinakailangang armas na kanilang gagamitin sa napipintong pag-aaklas nila.
Dahil sa pagkatuklas ng Katipunan, pinasabihan ni Andres Bonifacio ang iba't iba pang pinuno ng samahan na isang pagtitipon ang kanilang gagawin sa Balintawak para pag-uusapan kung ano ang pinakamainam na hakbangin na kanilang gagawin. Madaling-araw ng Agosto 19 ng pumunta sa Balintawak si Andres Bonifacio kasama ang kapatid na si Procopio Bonifacio at ilang kasapi gaya nina Emilio Jacinto, Teodoro Plata at Aguedo del Rosario. Nang sumunod na araw naman ay binago ni Bonifacio ang kodigo ng Katipunan matapos mapag-alamang nalaman na ito ng mga Espanyol.
Epekto at kahalagahan ng pangyayari sa Pugad Lawin
Sa kabila ng pagtanggi at pag-aagawm-agam ng ibang mga kasapi ng KKK, noong Agosto 23, 1896 ay naganap ang unang hakbang na nagpakita ng pag-aaklas ng mga Pilipino laban sa pamahalaan ng Espanya. Sa utos ni Andres Bonifacio, sabay-sabay inilabas ng mga Katipunero ang kanilang sedula at pinunit ito ng buong pagmamalaki at katapangan. Ang sedula ay isang uri ng dokumento ng identipikasyon o pagkakakilanlan, o pambuwis. Dito napagkasunduan na ang unang yugto ng himagsikan ay gaganapin sa Agosto 29, kabibilangan ng lahat ng kasapi ng Katipunan.
Ang pagpunit sa kani-kanilang mga sedula ay nagpapakita ng kanilang pagtatakwil sa malupit na pamahalaang Espanyol. Nagbigay ito ng lakas loob na lumaban sa mga dayuhan at napagtibay din nito ang posisyon ni Andres Bonifacio bilang pangulo sa lumalaking samahan ng KKK.
Saan makikita sa kasalukuyan ang pook na ginanapan ng sigaw ng Pugad Lawin?
Makikita sa kasalukuyan ang pook kung saan ginawa ng mga katipunero ang kanilang pagpunit sa sedula sa daan Seminary sa barangay Bahay Toro sa lungsod ng Quezon City. Ang palatandaang ito ay nasa likurang bahagi ng mataas na paaralan ng Pugad Lawin. Ang mga sumusunod ang nakasaad sa palatandaan na makikita sa naturang lugar:
Ang Sigaw ng Pugad Lawin (1896)
Sa paligid ng pook na ito, si Andres Bonifacio at mga isang
libong Katipunero ay nagpulong noong umaga ng
ika-23 Agosto 1896, at ipinasyang maghimagsik laban sa
pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Pinagpunit-punit ang
kanilang mga sedula na naging tanda ng pagkaalipin
ng mga Pilipino. Ito ang kauna-unahang sigaw ng bayang
apu laban sa bansang Espanya na pinatibayan sa
pamamagitan ng paggamit ng sandata.
Sanggunian: Kalaw, T.. 1989. “Ang himagsikang Pilipino.”
Agoncillo, T. 1960. “History of the Filipino people.”