Malamang marami sa atin ang kilala lamang siya bilang ang taong ipinangalan sa isang matrapik na kalsada. Ngunit alam mo ba na kung gaano karaming sasakyan ang bumabaybay sa kahabaan ng EDSA, tila singdami rin ng alam gawin nitong si Epifanio de los Santos? Siya ay isang mananalaysay, literary critic, art critic, abogado, librarian, iskolar, pintor, musicologist, pilosopo, philologist, bibliographer, translator, at mamamahayag. Kulang pa yan, dahil isa rin siyang editor, publisher, paleographer, ethnographer, biographer, researcher at public servant (bilang gobernador). Kaya nga naman tinawag siyang “Man of Many Talents”.
Ungang mga Taon at Buhay-Pamilya
Tubong Malabon, si Epifanio de los Santos y Cristobal ay ipinanganak noong Abril 7, 1871 sa mag-asawang Escolastico de los Santos na isang haciendero at Antonina Cristobaly y Tongco na isang musikerang mahusay sa paggamit ng pyano at alpa. Natapos niya ang kanyang Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila ng may pinakamataas na parangal (summa cum laude). Nagtapos naman siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas at pinangunahan niya ang bar exams sa taong 1898. Tinawag na Don Panyong ng kanyang mga kaibigan at kakilala, siya ay dalawang beses na ikinasal. Ang una ay kay Doña Ursula Paez ng Malabon (1899) kung kanino siya ay nabiyayaan ng apat na anak. Nang mamatay si Doña Ursula, nagpakasal siya kay Margarita Torralba ng Malolos (1908). Nabiyayaan sila ni Margarita ng walong anak.
Mga Ambag sa Panitikan atbp.
Kinikilala siya bilang isang literary genius. Isa siya sa mga pinakamahusay na Pilipinong manunulat sa wikang Español. Marami ang nagsasabing siya na ang pinakamagaling na Pilipinong henyo pagkatapos ni Rizal. Siya lang naman ang kauna-unahang Pilipino na naging kasapi ng Spanish Royal Academy of Language, Spanish Royal Academy of Literature at Spanish Royal Academy of History sa Madrid.
Nakapagsulat rin siya para sa pahayagan ng rebolusyon, ang La Independencia sa sagisag-panulat na G. Solon. Tumulong siya sa pagkakatatag ng ilang pahayagan tulad ng La Libertad, El Renacimiento, La Democracia, La Patria, at Malaysia. Siya rin ang may-akda ng ilang mahahalagang publikasyon tulad ng Algo de Prosa, Literatura Tagala, at marami pang iba.
Bihasa siya sa maraming linggwahe gaya ng Español, Ingles, Pranses, Aleman at maging sa ilang lokal na dialekto gaya ng Ita, Tingian at Ibalao. Kapuna-puna ang pagkakasalin niya sa Florante at Laura mula sa orihinal na tagalog ni Balagtas tungong Español. Miyembro siya ng Samahan ng mga Mananagalog at Academia Filipina de la Lengua Española.
Bilang isang magaling na mananliksik, malaki ang naging ambag niya sa mga maagang pag-aaral tungkol sa anthropolgy, ethnology, arhcaeology, linguistics at demographics ng Pilipinas.
Sa kanyang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa, kinokolekta ni Don Panyong ang ilang mahahalaga at bihirang mga Pilipinong dokumento sa mga museo, aklatan, at iba pa. Umabot sa halos 200 mga pinta at iskultura na gawa nina Juan Luna, Felix Hidalgo at iba pa, ang kanyang nakolekta. Nangolekta rin siya ng mga importanteng dokumento gaya ng mga manuskrito ng rebousyon at mga makasaysayang larawan na umabot sa 115 na mga limbag at 213 documents na may kinalaman sa Philippine Revolution.
Ang huli at pinakamabuluhang tungkulin na kanyang nahawakan ay ang pagkakahirang niya bilang Direktor ng Philippine Library and Museum na inilalaan lamang para sa mga Pilipinong mataas ang pinag-aralan at iskolar. Namatay siya sa stroke noong ika-18 ng Abril 1928 sa edad na 57.