Unang Bahagi ng Buhay
Ang Unang Diplomatikong Pilipino – si Felipe Agoncillo ay isinilang sa Taal, Batangas noong Mayo 26, 1859 sa mag-asawang Ramon Agoncillo at Gregoria Encarnacion. Bata pa lang ay nakitaan na siya ng pambihirang katalinuhan. Naging honor student siya ng Ateneo Municipal de Manila. Lumipat siya sa Unibersidad ng Santo Tomas at sa taong 1879 ay gumradweyt sa kursong Bachelor of Laws bilang summa cum laude. Nang mamatay ang kanyang mga magulang, bumalik siya sa Taal para asikasuhin ang mga naiwang negosyo at ari-arian.
Isa na siyang huwes sa edad na 30. Napangasawa niya ang pinakamagandang babae sa buong Batangas – si Marcela Mariño – na mula rin sa mayamang angkan sa Taal. Matatandaan na si Marcela Agoncillo rin ang pangunahing personalidad na tumahi ng unang watawat ng Pilipinas. Ang kanilang pagsasama ay nabiyayaan ng anim na anak, lahat mga babae.
Pagka-kawanggawa
Si Felipe Agoncillo ay larawan ng isang mayaman ngunit matulungin na ginoo, isang pilontropo, ika nga. Habang siya ay nasa Taal, nagbibigay siya ng libreng tulong-legal sa mga mahihirap niyang kababayan. Bukas-palad siyang tumatanggap ng mga mahihirap na kliyente, sa katunayan, sa labas ng kanyang opisina ay may karatulang nagsasabing “Libreng tulong-legal para sa mahihirap anumang oras”.
Naging tradisyon din ng kanyang pamilya ang magkawangggawa sa tuwing araw ng Huwebes. Binibigyan nila ng bigas at pera ang mga taong nag-aabang sa labas ng kanilang bahay.
Dakila man at mapag-kawanggawa, ang kanyang puso para sa patriyotismo ay binigyan ng ibang kahulugan ng kura-paroko. Inakusahan siyang ‘anti-patriotic’ at ‘anti-religious’. Binansagan siyang filibustero.
Pagkakatapon sa Hong Kong
Bagamat naunang irekomenda sa gobernador-heneral na siya ay ipa-deport, inunahan niya ang pamahalaan Kastila. Naglayag siya papuntang Yokohama, Japan. Nanatili siya doon sa maikling panahon at nagpuntang Hong Kong kung saan sinamahan niya ang ilang pang mga naipatapon na Pilipino. Pagkatapos ng 22 buwan, sumunod sina Marcela at kanilang mga anak. Nangupahan sila sa isang bahay sa 535 Morrison Hill sa distrito ng Wan Chai. Naging tagpuan at kanlungan ng iba pang Pilipino ang tahanan nila. Ilan sa mga tinanggap nila ay sina Antonio Luna at Emilio Aguinaldo na nagself-exile sa bisa ng Kasunduan sa Biak-na-bato.
Buhay Bilang Diplomatiko
Dahil isang magaling na abogado – nakakuha siya ng perfect score sa bar exam – siya ang itinalaga ni Aguinaldo bilang Minister Plenipotentiary na makikipag-usap sa mga dayuhang mambabatas tungkol sa pagkilala ng soberanya ng Pilipinas.
Bumiyahe siya pa Estados Unidos ngunit hinid siya pinansin ng pangulo ng bansa. Pumunta siya ng Paris, France para harangin ang Treaty of Paris, ngunit nabigo ulit siya. Dalawang araw matapos mapirmahan ang Treaty of Paris, bumalik siya ng Amerika para iprisinta ang kanyang pormal na protesta na pinamagatang ‘Memorial to the Senate’. Bagamat napirmahan na ang treaty, hindi pa ito aprobado ng senado. Noong mga panahong iyon, maraming Amerikano ang kontra din na gawing kolonya ang Pilipinas. Nagkaroon sila ng pag-asa nang itatag ang Anti-Imperialist League na pabor sa ipinaglalaban ni Agoncillo. Sa kasawiang-palad, pumutok ang digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, 1899. Tuluyang napagbisa ang Treaty of Paris.
Sa dami ng biyahe na ginawa ni Agoncillo, naubos ang kanilang pera. Kinailangan niyang ibenta ang mga alahas ng asawa. Matapos ang labanang Pilipino-Amerikano, bumalik sila ng bansa ng walang-wala. Nakabangon naman sila nang magpatuloy siya sa pagtatrabaho.
Nabigo man siyang irepresenta ang soberanya ng Pilipinas sa mga dayuhan, nakatulong naman siya sa ‘Filipinization’ ng pamahalaan nang gawin siyang Secretary of Interior ng administrasyon ni Governor General Leanord Wood. Namatay siya noong Setyembre 29, 1941 sa edad na 82.