Si Maria Josefa Gabriela Cariño Silang, o mas kilala bilang Gabriela Silang, ay ipinanganak noong Marso 19, 1731 sa Barangay Caniogan, Santa, Ilocos Sur. Ang ama niya ay si Anselmo Cariño, isang mangangalakal na inapo ni Ignacio Cariño, ang kauna-unahang Kastila sa bayan ng Galicia at dumating sa Candon, Ilocos Sur sa mga huling bahagi ng ika-17 siglo. Si Gabriela ay inampon ni Don Tomas Millan, isang tanyag at mayaman na negosyente sa bayan ng Ilocos. Naging legal niya itong tagapangalaga at di kalauna’y naging asawa. Hindi nagtagal ang kanilang pagsasama. Hindi sila nagkaanak at tatlong taon lang nang sila’y ikasal nang maagang namatay si Don Milan bunga ng katandaan.
Nakilala ni Gabriela ang matalino at matapang na si Diego Silang na matagal nang lumalaban para sa kalayaan ng mga Pilipino. Sila ay nagpakasal ng dalawang beses noong 1757 at 1762. Sumali siya sa rebolusyon laban sa mga Kastila. Sa simula ay naging matagumpay si Diego Silang sa kanyang mga operasyon, subalit nadiskaril ang mga ito nang bumaligtad ang dalawang kapwa Pilipino – sina Pedro Becbec at Miguel Vicos – at pumanig sa mga Kastila. Noong ika-28 ng Marso, kasama ang ilang opisyal na Kastila, si Diego ay pataksil na pinatay ni Miguel Vicos.
Matapos mapatay si Diego, isinumpa ni Gabriela na ipaghihiganti ang pagkamatay ng asawa, at ipagpapatuloy ang pakikibaka. Siya ay lubos na nagdadalamhati subalit walang oras na pwedeng masayang. Ang dating mga tauhan ni Diego ay nawalan na ng pag-asa ng mamatay ang kanilang pinuno. Walang isa sa kanila ang naglakas-loob na humalili kay Diego. Kaya gumawa si Gabriela ng isang dakilang desisyon. Siya na ang tumayong bagong pinuno ng kilusan. Pinulot niya ang sandata at ipinaalam sa lahat na hindi pa tapos ang laban. Marami ang humanga sa kanyang ipinakita at hindi nagtagal, umani siya ng maraming kapanalig. Sinimulan niyang tulungan ang mga Pilipinong naninirahan sa mga siyudad. Tinawag siyang “Henerala”. Nagagalak ang karamihan na ang laban ni Diego ay patuloy na isinusulong sa katauhan ng kanyang asawa.
Matagumpay niyang pinamunuan ang kanyang mga tauhan sa una niyang laban sa Santa – ang kanyang bayang kinalakihan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang mga Kastila ay nagkaroon ng banta mula sa isang Pilipina. Kaya gayon na lamang ang kanilang pagkabahala at determinasyon na pigilan si Gabriela. Naglakbay si Gabriela papuntang Pidigan, Abra at doon nagtatag ng bagong himpilan. Dito rin niya nakasamang muli ang kanyang ina na nalayo sa kanya noong bata pa siya.
Sumanib sa kanila ang tiyuhin ni Diego na si Nicolas Cariño. Siya ang pansamantalang samantalang namuno sa nasa dalawang libong matatapat na mga sundalo ng nasawing lider. Nilusob nila ang Vigan noong Setyembre 10, 1763. Nagkaroon ng maraming bakbakan. Maraming namatay sa magkabilang panig. Hindi lang Kastila ang kanilang naging kalaban, mayroon ding mga Pilipino na nagsilbi para sa watawat ng España – mga Tagalog, Kapampangan at Ilokano - kaya naman nang matapos ang bakbakan, halos maubos ang grupo ni Gabriela at siya ay tuluyang nabihag sa isang bundok sa Abra. Siyamnapu sa kanyang mga tinyente ang kasama ring nadakip at sapilitang ipinarada sa mga bayan para pagkatuwaan ng mga taongbayan. Kalaunan, sila ay isa-isang binitay.
Dahil sa matinding pagtutol ng mga rebelde, hindi sabay na ibinitay si Gabriela sa kanyang mga kasamahan, sa halip, siya ay ibinitay sa harap ng isang lipumpon ng mga Kastila.
Maaring sabihin na bigo si Gabriela sa pagtaboy sa mga Kastila ngunit hindi maitatanggi na siya ang kauna-unahang babaeng nagmulat sa mata ng bawat Pilipino na hindi hadlang ang anumang kasarian sa laban para sa kalayaan.