Bago pa man pumutok ang himagsikang na pinangunahan ng mga Katipunero, may ilan nang mga pag-aaklas na naganap sa iba’t-ibang sulok ng bansa. Isa sa mga pangunahing pag-aaklas na naging instumental sa pagpukaw ng nasyonalismo ay ang Palaris Revolt ng mga Pangasinense na kasabay ng rebelyon ng mga Ilokano sa pamumuno naman ni Diego Silang. Heto at tunghayan ang talambuhay ni Juan de la Cruz, ang bayani ng Pangasinan.
Unang Bahagi ng Buhay
Si Juan de la Cruz, o mas kilala sa bilang Palaris, ay ipinanganak noong Enero 8, 1733 sa Binalatongan (ngayon ay San Carlos), Pangasinan. Isa siya sa limang anak ng mag-asawang Santiago de la Cruz – isang Punong Barangay – at Catalina Ugnay. Ang mga De la Cruz ay angkan ng mga cabeza de barangay at miyembro ng principalia.
Palaisipan ang ibang detalye ng personal na buhay ni De la Cruz ngunit malinaw na nakapag-aral siya sa Binalatongan at naging ulilang lubos noon siya ay tinedyer pa lamang. Kahit na ang kanyang ama ay malinaw na kabilang sa principalia, si Palaris aw madalas na inilalarawan bilang isang Pilipinong nasa antas ng timawa.
Palaris Revolt
Dumating ang mga Briton sa bansa sa kasagsagan ng Seven Year’s War. Panandalian nilang nasakop ang Kamaynilaan at epektibong naitaboy ang mga Kastila. Nakahanap ng kakampi ang masang Pilipino. Matagal na nilang iniinda ang pagmamalabis ng mga pamahalaang Espanyol. Hiniling nila mula sa pamahalaan Kastila ang sumusunod:
1. buwagin ang kompulsaryong labor;
2. ibalik ang mga nakolektang ‘tribute’ dahil hindi na sakop ng España ang Pangasinan;
3. tanggalin ang ilang mga opisyal ng kapulisan at lokal na pamahalaang Kastila lalong lalo na ang gobernador; at
4. palitan ang mga tinanggal na opisyal ng mga katutubong Pilipino
Sa loob ng higit 200 taon, ang mga magsasaka ng pangasinan ay ginigipit ng mga Kastila. Kailangan nilang magbigay ng inaning palay bilang tribute. Kahit na konti ang kanilang naaani, regular na tinataasan ng mga Kastila ang tribute na dapat kolektahin. Kaya naman kahit noong hindi pa dumating ang mga Briton, masasabing ang mapanghimagsik na damdamin ng mga taga-Binalatongan ay matagal nang nakatanim sa puso ng bawat isa.
Pinamunuan ni Palaris ang isang grupo sa paglusob sa mga opisyal na Kastila na hawak ng gobernador. Natalo nila ang Kastila at napilit ang gobernador na sumang-ayon sa kanilang mga kahilingan.
Pagbalik ng Pamahalaang Kastila
Naging panandalian lamang ang kanilang tagumpay. Nang magtapos ang giyerang Briton-España dahil sa isang kasunduan, nabawi ng mga Kastila ang Pangasinan mula sa mga katutubo. Ibinalik ang pagbibigay ng tribute at sinimulang tugisin ang mga nag-rebelde. Naging madugo ang huling bahagi ito ng rebelyon. May mga pagkakataong naiisahan ng mga rebelde ang mga Kastila subalit hindi rin nagtagal at napalibutan sila ng mga ito at tuluyang natalo. Marami sa kanila ang hinuli, ang iba ay pinatay, pinutol ang iba’t-ibang bahagi ng katawan para magsilbing babala sa iba.
Marso 1764, nabawi na ng mga Kastila ang halos kabuuan ng Pangasinan. Kinailangan ni Palaris na lumayo ngunit hindi niya ito ginawa. Pinili niyang manatili at magtago. Ito ang naging mitsa ng buhay ni Palaris. Natakot ang mga taong kanyang pinagtaguan at si Simeona na kanyang mismong kapatid ay nagtraydor at isinumbong siya sa gobernadorcillo ng Binalatongan.
Dinampot siya noong Enero 16, 1765 at dinala sa Lingayen para litisin. Sa pag-amin niya sa pamumuno ng nagdaang rebelyon, siya ay nahatulan ng kamatayan at binitay noong Pebrero 26, 1765 sa edad na 32.