Unang Bahagi ng Buhay
Si Julian Felipe ay tubong Cavite at ipinanganak noong Enero 28, 1861 sa mag-asawang Justo Felipe at Victoria Reyes Una siyang nag-aral sa pambublikong paaralan ng Cavite at Binondo. Sa kanyang murang edad ay nakitaan na siya ng galing at talento sa musika. Natuto siyang gumamit ng piano at organ. Di kalaunan ay naging organist siya ng St. Peter’s Parish Church. Ito na ang naging daan para matutuo siyang gumawa ng mga kanta.
Ilan sa kanyang mga sikat na komposisypnn ay ang Moteti el Santesisimo. Sintos y Floras Rogodones, Amorita Danza, at Reina de Cavite (bilang parangal sa Nuestra Señora de la Soledad de Porta Vaga – patron ng Cavite). Napahanga niya ang maraming kritiko sa mga komposisyon niyang ito. Kahit higit na mas bata kumpara sa mga kompositor ng kanyang kapanahunan, itinuturing na kapantay na niya ang mga batikang musikero.
Bilang pagkilala sa kanyang kapuna-punang kontribusyon sa sining ng musika, nagkamit siya ng maraming gantimpala at pagkilala.
Paglahok sa Himagsikan
Nang pumutok ang himagsikan, sumama siya sa pag-aaklas ng kanyang kapwa Kabitenyo. Nasangkot siya sa eskandalong kinabilangan ng Trece Marteres at ilang pang mga mga pasimuno sa bayan ng Cavite. Setyembre 3, 1896, inaresto sila at nakulong sa Kuta ng San Felipe. Matapos ang siyam na buwan, Hunyo 2, 1897, siya ay pinalaya sa bisa ng kasunduan ng Biak na Bato.
Nang makalaya, sumali siya sa hukbo ni Emilio Aguinaldo. Gumawa siya ng ilang makabayang awit na nagpalakas ng loob ng kanyang mga kasamahan upang ipagpatuloy ang laban kontra España. Isang busto ni Felipe ang matatagpuan sa Lungsod ng Cavite malapit sa San Sebastian College – Recoletos de Cavite.
Ang Pambansang Awit
Noong Hunyo 5, 1898, nakipagtagpo si Aguinaldo sa Calle Arsenal sa Cavite Puerto para pag-usapan ang isang napakahalagang bagay. Naatasan si Felipe na gumawa ng isang nakakaantig-damdaming komposisyon na ipapatugtog sa makasaysayang Pagpapahayag ng Kasarinlan ng Pilipinas matapos ang napipintong tagumpay kontra-España. Matapos ang anim na araw, Hunyo 11, 1898, tinungo ni Felipe ang bahay ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite, dala ang draft ng kanta.
Sabay na pinakinggan nina Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Mariano Trias at Heneral Baldomero Aguinaldo (Minister of National Defense) ang personal na pagtugtog ni Felipe ng kanyang komposisyon. Sinasabing ilang beses na pinaulit kay Felipe ang pagtugtog dahil lubos itong nagustuhan ng mga Heneral. Noong una’y pinangalanan nila itong Marcha Filipino Magdalo (bilang pagpupugay sa pangkat ng Katipunan na kinabilangan ni Aguinaldo). Di nagtagal, iniba nila ang pangalan at naging Marcha Nacional Filipina. Kinabukasan, Hunyo 12, 1898, ipinatugtog ito sa proklamasyon ng kalayaan habang iwinawagayway ang watawat ng Pilipinas.
Sinasabing mayroon raw isang Kastila ang nag alok na bilhin mula kay Felipe ang copyright sa paglalathala ng pambansang awit. Tinanggihan niya ito dahil ayon sa kanya, ang musikang ito ay pag-aari ng bayan. Noong Disyembre 4, 1943, binigyan siya ng Php 4,000 bilang pabuya. Hiniling rin ng pamahalaan na baguhin ang bilis at pitch ng piyesa para mas madaling sabayan ng taong-bayan. Setyembre 3, 1899 na lamang nalapatan ng titik ni Jose Palma ang kanta. Nagkaroon ito ng iba’t-ibang bersiyon sa iba’t-ibang linggwahe. Ang Lupang Hinirang na ating inaawit ngayon ay isinalin lamang noong 1956 at opisyal na tinanggap noon lamang 1963.