Bilang isang abogado, mananalumpati, at magaling na manunulat, tinuligsa ni Marcelo del Pilar ang mga prayleng Espanyol sa kanyang kauna-unahang pahayagang Tagalog, ang Diyaryong Tagalog. Hindi maikakaila ng karamihang Pilipino na sa tuwing nababanggit ang kanyang pangalan, kadikit na nito ang salitang La Solidaridad. Ano nga ba ang naging buhay at mga kontribusyon ng propagandista na naging mas kilala sa sagisag na Plaridel?
· Si Marcelo Hilario del Pilar y Gatmaitan ay ipinanganak noong Agosto 30, 1850 sa Kupang, Bulacan.
· Ang orihinal niyang pangalan nang mabinyagan ay Marcelo Hilario. Ang apelyido ng kanyang lola na “del Pilar” ay idinagdag lamang bilang pagtugon sa isang kautusan ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria noong Nobyembre 21, 1849.
· Ang kanyang mga magulang ay nagmamay-ari ng maraming tubohan, ilang palaisdaan at isang gilingan. Ang kanyang ama, si Julian Hilario del Pilar na isang sikat na grammarian at makata ay tatlong beses na naging gobernadorcillo (mayor). Ang ina naman niyang si Blasa na kilala ng marami bilang “Doña Blasica” ay galing sa maharlikang angkan ng mga Gatmaitan.
· Bihasa siya sa pagpapatugtog ng piano, violin at plauta.
· Si Marcelo ay pang-siyam sa sampung magkakapatid. Sobrang liit ng naging pamana para sa bawat isa kaya inayawan niya ang kanyang parte at ipinaubaya na lamang sa ibang kapatid.
· Pebrero 1878, siya ay nagpakasal sa kanyang second-degree cousin na si Marciana. Nagkaroon sila ng pitong anak subalit dalawa lamang rito ang umabot ng mayor de edad.
· Nakapagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas taong 1878.
· Taong 1869, naudlot ang kanyang pag-aaral dahil sa isang iskandalong kinasangkutan niya at ng kura paroko ng San Miguel, Maynila. Nakulong siya ng 30 araw nang mapag-initan siya ng nasabing kura paroko dahil sa pag-uusisa niya sa napakamahal na baptismal fee sa isang binyag na kanyang pinapadrino.
· 1882 - Ang Diyaryong Tagalog na itinatag niya kasama ni Basilio Teodoro Moran, ang kauna-unahang bilinggwal na pahayagan sa Pilipinas. Tinustusan ito ng Kastilang si Francisco Calvo y Muñoz.
· Kahit na na nagtatrabaho siya bilang abogado sa Maynila, ginugol niya ang mas maraming oras sa kanyang bayang tinubuan. Ginamit niya ang lahat ng oportunidad para imulat ang mata ng masa sa tunay na kondisyon ng Pilipinas. Ginawa niya ito sa mga binyag, lamay, kasal, pista at maging sa mga sabungan.
· Ika-1 ng Marso 188 – ang mga principales sa mga distrito ng Maynila at ibang karatig na probinsiya ay nagmartsa patungo sa opisina ng gobernador ng Maynila, si Jose Centeno Garcia, para ipresenta ang “Viva España! Viva el Rey! Viva el Ejército! Fuera los Frailes!” - isang manipesto na nagsisiwalat sa mga pagmamalabis ng mga prayle at nagsasaad ng kahilingang ipaalis ang mga ito sa labas ng bansa. Pinaniniwalaang ang nagsulat sa nasabing manipesto ay walang iba kundi si Plaridel.
· Dolores Manapat. Ito ang sagisag na ginamit ni Del Pilar para isulat ang Caiigat Cayó (“Be as Slippery as an Eel”), bilang tugon sa ¡Caiñgat Cayó! ni Jose Rodriguez, isang pari na anti-Rizal.
· Oktubre 28, 1888 – Tumakas siya patungong España matapos akusahan na isang filibustero at heretiko.
· La Solidaridad. Ito ang opisyal na pahayagan ng Kilusang Propaganda, ang La Liga Filipina na binuo ni Jose Rizal. Disyembre 15, 1889 nang humalili si Del Pilar kay Graciano Lopez Jaena bilang patnugot nito. Taong 1895, natigil ang paglalathala nito dahil sa kakulangan sa pondo.
· Siya ay nalugmok sa sobrang kahirapan. Madalas siyang di nakakakain at sa panahon ng taglamig, pinapainit niya ang sarili sa pamamagitan ng pananabako ng mga sigarilyong kanyang napupulot sa daan.
· Hulyo 4, 1896 – Namatay siya sa España sa sakit na tuberkulosis.
“Mastermind of the Katipunan” kung siya ay ituring ng kasalukuyang mga historyador at iskolar. Sinasabing isinangguni sa kanya ni Andres Bonifacio ang mga batas na kalauna’y naging batayan ng Katipunan. Kahit na nanilbihan siya sa Kilusang Propaganda para sa isang mapayapang pamamaraan, sa kanyang mga huling sandali malinaw niyang tinutulan ang ideya ng “Assimilation” at nagsabi na: “Insurrection is the last remedy, especially when the people have acquired the belief that peaceful means to secure the remedies for evils prove futile.”