Mas kilala bilang Sultan Kudarat, si Muhammad Dipatuan Kudarat ang naging pinakamakapangyarihang pinuno sa Minanao. Pinagkaisa niya ang iba’t-ibang grupo ng mga Muslim at matagumpay na pinigilan ang pananakop ng mga Kastila.
· Ipinanganak siya sa Lanao del Sur sa taong 1580.
· Siya ang ika-7 Sultan ng Mindanao.
· Ang Dipatuan ay isang Malay na salita na ang ibig sabihin ay “Master”, habang ang Kudarat naman ay Arabe na ang ibig sabihin ay “Power”.
· Siya ay galing sa isang maharlikang pamilya ng mga Iranun.
· Marso 13, 1637 – Dumating sa bayan ng Lamitan ang Kapitan-Heneral na si Sebastian Hurtado de Corcuera. Kasama ang isang hukbo na binubuo ng mga Kastila, mga Kapampangan at mga Bisaya, nilusob ni Corcuera ang bayan ni Kudarat. Nagkaroon ng isang maikling labanan.
· Marso 16, 1637 – Dumating ang dagdag na kawal ni Corcuera. Kinabukasang, nagpatuloy ang labanan. Lubhang nasugatan si Kudarat sa tagpong ito ngunit tagumpay siayng nakatakas. Ang kanyang asawa na karga-karga ang kanilang anak ay tumalon sa isang bangin para maiwasan ang kahihiyan ng pagkakabihag.
· Nanirahan siya ng higit sa dalawang taon malapit sa Lake Lanao.
· 1638 – Sa kanyang pagkawala sa Maguindanao, tinangkang sulsulan ni Corquera ang Rajah ng Buayan na si Rajah Maputi para angkinin ang mga bayang dati ay saklaw ng kapangyarihan ni Kudarat. Nabigo ang mga Kastila sa planong ito dahil kalaunan ay nagkaroon ng di pagkakaunawaan tungkol sa ilang aspeto ng kasunduan.
· Sunod namang sinuyo ni Corquera ang karibal ni Maputi na si Datu Manakior na pinuno ng mga Taulanen. Balak ni Corquera na pagsabuning ang dalawang pinuno nang sa gayon, ay mapahina ang impluwensiya ni Kudarat na siyang pangunahing pakay niya. Natalo ang pwersa ni Maputi at tumakas siya patungong Kabalukan.
· Bumalik si Kudarat sa Simuay. Lumawak pa lalo ang saklaw at impluwensiya ni Kudarat matapos ang dalawang taong paglalgi sa Lake Lanao – bagay na hindi inaasahan at labis na ikinadismaya ng mga Kastila.
· 1645 – Sa kabila ng mangilan-ngilang labanan sa pagitan ng pwersa ni Kudarat at ng España, nagkaroon ng isang kasunduan na nagpabuti sa relasyon ng dalawang panig. Hinayaan niyang makapasok at malayang magpahayag ng pananampalataya ang mga Heswita. Samantala, ginamit niya ang kapayapaang ito para palakasin pa ang kanyang impluwensya sa Kabisayaan at maging sa ibang mga Sultanato sa Timog Silangang Asya tulad ng Johore, Ternate, Sulu at Brunei.
· Nagkaayos si Rajah Maputi at Datu Manakior sa pamamagitan ni Kudarat. Dahil dito ay nagkaisang muli ang Maguindanao at Buayan.
· 1655 – Sampung taon matapos ang mapayapang kasunduan, nanumbalik ang masungit na relasyon ng magkabilang panig. Tinanggihan ng Sultanato ng Maguindanao at Buayan ang mga misyonaryong Heswita dahil sa ipinakitang hindi kanais-nais na asal.
· Pinapatay ni Baratamay (bagong Sultan ng Buayan) ang dalawang Heswita dahil ininsulto siya ng isa sa mga ito at pinilit na magpabinyag bilang Katoliko. Sumulat si Kudarat sa lahat ng mga pinuno at binalaan ang mga ito na maghanda sa posibleng malawakang paghihiganti ng mga Kastila. Hindi na nangyari ang kanilang inaasahan sapagkat napagtanto ng pamahalaan Kastila ang lawak at lakas ng pwersa ni Kudarat.
· Namatay siya sa edad na 90, noong 1671.
· Itinuring siyang sagrado ng kanyang mga kaanak at kakilala at ang tawag sa kanya ng kanyang mga apo ay Nasir ud-Din (“helper of faith”).