Nang pumutok ang himagsikan, si Teresa Magbanua ang kapuna-punang Pilipina na umanib sa sangay ng Katipunan sa Panay. Siya ay larawan at patunay na kaya ng mga babae na mamuno sa labanan. Binasag niya ang estereotipo tungkol sa mga kababaihang Pilipino na hanggang sa bahay lang at nag-aalaga sa mga miyembro ng pamilya.
Unang Bahagi ng Buhay
· Si Teresa Magbanua ay isinilang sa Pototan, Iloilo noong Oktubre 13, 1868.
· Ang kanyang ama na si Don Juan Magbanua ay isang hukom sa Court of First Instance sa Lungsod ng Iloilo habang ang kanyang ina na si Doña Alejandra Ferraris ay anak ni Kapitan Benito Ferraris.
· Si Teresa ay pangalawa sa anim na magkakapatid. Ang kapatid niyang mga lalaki na si Pascual at Elias ay kapwa naging kasapi rin ng Katipunan. Ang kapatid niya namang mga babae ay sina Maria at Paz.
· Isa siyang guro na kaagad ding nagretiro di katagalan matapos ikasal kay Alejandro Balderas, isang mayamang haciendero sa Sara, Iloilo.
· Natuto siyang gumamit ng baril at mangabayo habang nagtatrabaho sa lupain ng kanyang asawa.
Himagsikan Kontra España
· Taong 1896 nang pumutok ang Himagsikang Pilipino. Sa kabila ng pagtanggi ng kanyang asawa, sinundan ni Teresa ang yapak ng dalawa niyang nakababatang kapatid (Pascual at Elias) sa armadong pakikibaka.
· Hiningan niya ng permiso ang kanyang tiyuhin na si Major General Perfecto Poblador para sumali sa sandatahan. Nag-aalangan pa noong una ang heneral ngunit nakumbinsi din ito ng pursigidong pamangkin. Inatasan niya si Magbanua na mamuno ng isang bolo battallion.
· Sa pamumuno ni Heneral Martin Delgado, matagumpay niyang pinamunuan ang ilang operasyon laban sa mga Español.
· Si Magbanua ang tanging naitalang babae na namuno ng hukbo sa Visayas sa panahon ng himagsikan.
· Noong Disyembre 3, 1898 pinamunuan niya ang isang hukbo sa Battle of Barrio Yoting (Pilar, Capiz) habang nakasakay sa kabayo. Dito na siya binansagang Joan of Arc ng Visayas.
· Disyembre 24, 1898 – Tumulong siya sa pagpapalaya sa Lungsod ng Iloilo. Kasama si Roque Lopez, Quintin Salas at iba pa, pinalibutan nila ang siyudad para madali itong mapasok at mabawi ni Heneral Martin Delgado mula sa mga Kastila.
Himagsikan Laban Amerika
· Hindi nagpa-iwan si Teresa sa kanyang mga kapatid na lalaki. Aktibo pa rin siyang nakilahok sa kilusan laban sa bagong dating na mga Amerikano.
· Noong Pebrero 11, 1899, bigong ipagtanggol ni Magbanua at Heneral Delgado ang Lungsod ng Iloilo mula sa Amerikanong hukbo na pinamunuan ni Brigadier General Marcus Miller. Sinasabing wala ni isang Amerikano ang namatay sa tagpong ito.
· Marso 10, 1899 – Kasama ang kapatid na si Pascual, matagumpay na nabawi ng Katipunan ang bayan ng Jaro, Iloilo. Tinatayang nasa 400 na Amerikano ang namatay.
· Sa di maipaliwanag na dahilan, namatay ang kanyang dalawang kapatid. Si Pascual sa edad na 24 at si Elias sa edad na 19.
· Isinuko niya ang kanyang hukbo sa mga Amerikano taong 1900 at bumalik sa pagsasaka.
Laban Kontra Hapon
· Bagaman hindi na aktibo sa sandatahan nang dumating ang mga Hapones, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para makapag-ambag. Nang mamatay ang kanyang asawa, ibinenta niya ang lahat ng kanyang ari-arian sa Iloilo para ipambili ng pagkain at supplies ng mga lokal na gerilya.
· Nang matapos ang Word War II ay nakitira siya sa kanyang kapatid na si Maria sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
· Walang nakapagtala ng eksaktong petsa at dahilan ng kanyang pagkamatay noong Agosto ng taong 1947.