Tips para sa mga bagong salta sa UAE: Ano dapat gawin ng mga first timers o baguhan sa United Arab Emirates?

Kayce Gonzaga
is a Administrative Staff in United Arab Emirates

Ang United Arab Emirates ay kilala sa pagkakaroon ng mga nagtataasang Buildings at malalaking theme parks, malls at iba pang mga engrandeng attractions kaya’t ito ay binansagang “City of Superlatives”. Higit sa mga magagandang tanawin at maayos na sistema, ito ay puntahan ng ating mga kabayan na nagnanais maging OFW. Mas marami kasi ang bilang ng porsyento ng mga Expats (MgaDayuhan) kumpara sa mga lokal (Emirati citizens). Dito ay maraming “Opportunities” ika nga para sa lahat, saang bansa ka man nagmula.



Ano nga ba ang dapat malaman ng isang kabayan na bagong salta sa UAE?

1.) Ayusin ang pananamit. Kung ikaw ay mananatili sa Dubai, totoong mas “open” at mas “lenient” dito dahil nandito ang karamihan sa mga expats. Ngunit kung pupunta ka sa ibang lugar o ibang emirate, ayusin ang pananamit lalo na sa mga babae dahil mas mahigpit ang patakaran at malaki ang tsansa na ikaw ay hulihin kung masyadong “revealing” ang iyong damit.


2.) Bawal ang “Public Display of Affection”. Kahit na ang kasama mo ay iyong asawa, iwasan ang masyadong pagpapakita ng Karinyo o Affection lalo na kung kayo ay na sa pampublikong lugar.


3.) Iba’t iba ang relihiyon ng mga expats dito kaya’t matuto tayong gumalang. Ito ay lalo na kung Ramadan at kasalukuyang nag “fa-fasting” ang ating mga kapatid na Muslim. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-kain, pag-inom o pag-suot ng mga maiiksing damit sa pampublikong lugar lalo na sa oras ng “Fasting”.


4.) Mainit na panahon. Halos 3 – 4 na buwan lamang ang tag-lamig o winter at ang ibang buwan ay tag-init na. Matinding init lalo na sa mga buwan ng June-September kaya’t piliin lamang ang kasuotan na angkop sa panahon.


5.) Maging alerto lalo na sa mga pampublikong sasakyan gaya ng Bus, Train (Metro) at Taxi. Huwag kakalimutan ang pag “Tap” ng NOL Card (Ito ay isang electronic ticketing card na ginagamit sa Bus at Train) bago pumasok at lumabas ng Bus o Train. Malaki ang “Fine” kung sino man ang hindi susunod.


6.) Bawat lugar o establesimiento ay may mga patakaran na kailangan sundin. Pag-ukulan ng panahon na ito ay basahin o alamin. Maging sa kalsada, tumawid sa tamang tawiran dahil napakalaki ng “Fine” kung ikaw ay mahuhuli. Kalimitan sa mga pulis ay naka-sibilyan lamang at hindi mo mapapansin. Huwag kalimutan dalhin ang passport saan man magpunta.


7.) Maging sensitibo sa kapaligiran at matuto mag “adjust”. Dahil Iba’t iba ang lahi dito, asahan mo na iba’t iba rin ang amoy na malalanghap mo mula sa pagkain o sa tao mismo. Hindi kailangang ipakita na hindi mo ito nagustuhan o takpan ang ilong dahil ito ay nakaka-offend sa kanila. At katulad ng ibang lahi, hindi rin sila sanay sa kung anuman ang amoy na meron tayo lalo na ang mga pagkain.


8.) Mag ingat sa pagtitig sa mga tao. Kung ikaw ay lalaki, bawal tumitig lalo na sa mga babaeng lokal o kung sino man dahil hindi ito kumportable sa kanila at maari kang maisumbong sa pulis. Kung ikaw ay babae, mayroong mga kalalakihan na sadyang titingin saiyo mula ulo hanggang paa, huwag itong pansinin at huwag tignan sa mata dahil ito ay magbibigay ng ibang kahulugan sa kanila. Maari rin tumawag sa pulis kung kinakailangan.


9.) Matutong makisama lalo na sa mga nakatira sa “Shared Accommodation”. Sa isang malaking Flat o Villa, kalimitan ay 8-12 na tao ang nakatira at minsan ay higit pa. Respetuhin ang espasyo ng bawat isa. Limitahan ang paggamit ng mga Appliances o huwag masyadong magtatagal sa Bathroom/Washroom dahil ito ay “shared” at maaaring marami ang nakapilang kasunod mo.


10.) Maging Matipid. Napakarami ng mga masasarap na pagkain at magagandang gamit kung ikukumpara mo sa atin ngunit huwag magpadalos-dalos sa paggastos ng pera at mas mainam na ipunin muna at gamitin kapag ikaw ay nangangailangan lang. Marami saating mga kabayan ay walang naiipon dahil nauuna ang luho.


Ilan lamang ang mga ito na dapat mong malaman kung ikaw ay baguhan sa UAE. Maging masunurin at disiplinado upang hindi magkaroon ng anumang problema. Minsan ay iba ang ating nakasanayan kaya’t napakahirap na “adjustment”, ngunit kung iyong iisipin, ikaw ay nangibang bansa upang makatulong sa pamilya, maingat ang estado sa buhay o kung ano pa man na dahilan, kaya’t mahalaga na maging maayos at matiwasay ang paninirahan sa bansang ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga “Rules & Regulations” naitinala ng UAE para sa mga lokal, residente o turista.

Continue reading: Paano makakuha ng trabaho sa UAE?

Ano mga hamon o pagsubok sa paghahanap ng trabaho sa UAE?


About the author

Kayce Gonzaga

Profession: Administrative Staff
United Arab Emirates , Dubai , Dubai

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)

Disclaimer: The materials on the Buhay OFW Website are for general information purposes only and should not be construed as religious advice, spiritual advice, opinion or any other advice on any specific facts or circumstances. Readers should not act or refrain from acting upon this information without seeking professional advice. Transmission of information on or by use of this Website is not intended to create, and receipt does not constitute, a client relationship between the sender and receiver. Photographs and other graphics used on this website may be for dramatization purposes only, and may include models or stock photos. Likenesses do not necessarily imply current client, membership, partnership or employee status.