PAANO MAGLARO AT MANALO SA TONGITS? ANO SEKRETO, PAANO MANGIPIT BLUFF BARAHA

Rizza Floro
is a Talent scout in Japan

Ano ang tongits?

Ang tongits ay isang kilalang larong baraha na kilala at malawakang nilalaro sa Pilipinas. Ito ay naging kilala sa bansa noong bandang 1990s sa bandang Luzon. Ang layunin ng laro ay maubos ang lahat ng bara sa iyong kamay o mabawasan ito hanggang sa ikaw ang may pinakamababang numero sa kanyang hinahawakang baraha sa pamamagitan ng pagbuo ng mga bahay. Ang manlalarong mauunang maubos ang hinahawakang baraha sa kanyang mga kamay ang mananalo ng laro.

Paano ba ito laruin?

Karaniwang nilalaro ang tongits ng tatlong tao. Heto ang ilang mga paraan kung paano maglaro ng tongits.

- Bawat manlalaro ay binibigyan ng 12 baraha (pwera sa bangka na may 13 baraha), at ang natitirang mga baraha ay nilalagay sa gitna bilang bunutan.

- Magsisimula ang laro kapag nagtapon na ng baraha ang bangka.

- Ang susunod na manlalaro ay pwedeng pumili kung kukunin niya ang itinapong baraha, o bubunot sa nakapatong na mga baraha.

- Ang manlalaro ay bubuo ng mga “bahay” o set ng mga baraha para ibaba.

- Magpapatuloy ang pagtapon at pagbunot ng baraha hanggang sa may Manalo ng tongits – ang makakaubos ng baraha, patas – walang nanalo, o maubos ang lahat ng bubunuting mga baraha.

- Kung sakaling maubos na ang lahar ng mga baraha, ito-total ng isang player ang lahat ng natitirang baraha ng bawat manlalaro at ang may pinakamababang total ang mananalo.


Paano gumawa ng “Bahay”?

May iba’t-ibang paraan at kombinasyon na maaaring gawin para makagawa ng “bahay”.

Tatlo o Apat na baraha ng isang klase – Ito ay bahay ng mga baraha na binubuo ng tatlo o apat na magkakaparehong numero pero may iba-ibang suits (spade, diamond, clubs o hearts).

Straight Flush (3 baraha) – ito ay isang bahay na binubuo ng tatlong magkakasunod na baraha na pare-parehong suit.

Escalera – ito ay isang uri ng straight flush na binubuo ng 4 o higit pang mga baraha na pare-pareho ang suits.


Maaari mong mabuo ang mga bahay na ito sa pamamagitan ng pagbunot ng itinapong baraha ng iyong katabi o pagbunot sa mga barahang nasa gitna. Kapag nakabuo ka na ng bahay ay ibinababa mo ito sa gitna. Maaari ka ring magdagdag sa bahay ng iyong katabi sa pamamagitan ng pagdagdag ng iyong baraha sa kanyang ibinabang flush para madugtungan ito. Pwedeng mas mataas o mas mababa ang barahang idudugtong mo sa kanyang flush.


Paano matatapos ang laro?

May iba’t-ibang sitwasyon na siyang magtatapos ng laro.

- “Tongits” – Kung may isang manlalaro na makakaubos sa lahat ng hawak niyang baraha sa pamamagitan ng pagbuo ng mga bahay, pagdugtong sa mga bahay ng kalaban o sa pagtapon ng mga hindi na niya kailangang baraha.

- Kapag naubos na ang mga baraha. Kapag naubos na ang mga barahang binubunutan sa gitna, ito-total ang lahat ng mga natitirang baraha at ang may pinakamababang total ang siyang mananalo ng laro.


Mga tips para manalo sa tongits

Narito ang ilang mga payo kung paano ka mananalo sa larong ito.

1. Sa umpisa pa lang ng laro, mainam na bitawan o itapon na agad ang mga barahang isa o dalawang beses na mas mababa at ibang suit kumpara sa huling barahang itinapon ng iyong katabi. Halimbawa, kung ang iyong kalaban ay nagtapon ng 7 of diamonds, mainam na itapon mo ang hawak mong 6 o 8 of clubs, spades o hearts.

2. Kung wala ka naman ng mga barahang nasabi sa taas, itapon ang kaparehong numero sa ibang suit tulad ng 7 of hearts o clubs.

3. Ang isang magandang katangian para manalo sa larong tongits ay magandang alaala. Dapat ay matandaan mo ang mga posibleng bahay na mabubuo mo sa mga barahang hawak mo. Dapat ding may kakayahan kang makalkula ng mga tiyansa mong makakuha ng mga flush. Laging unahing isipin ang iyong estratehiya bago bigyang pansin ang iyong kalaban.

4. Tignan ang mga barahang tinatapon ng iyong kalaban. Base sa mga barahang tinatapon nila, magkakaroon ka ng ideya kung anong mga baraha ang hawak nila at kung anong mga bahay ang binubuo nila. Sa paraang ito, maiiwasan mong itapon o ibigay sa kanila ang mga barahang maaaring tumulong sa kanila para mabuo nila ang kanilang plano.

5. Tandaan na ang barahang number 7, dahil isa ito sa pinakaimportanteng baraha sa laro dahil makakatulong itong bumuo at makadagdag sa mga bahay.

6. Tandaan na mas malaki ang tiyansa mong manalo kung gagawin mo ang mga sumusunod:

a. Subukang makapuntos agad kapag magsimula na ang laro.

b. Bantayan ang mga unang barahang itatapon ng iyong mga kalaro.

c. Huwag isiping masyado ang lahat ng mga posibilidad at baka ito pa ang ikasama ng laro mo.

d. Subukang bitawan na agad ang mga matataas na baraha sa kamay mo habang maaga pa kung hindi ka din naman makakabuo ng bahay mula dito. Tandaang ang tongits ay laro ng pababaan ng score sakaling hindi maubos ang mga bahay at walang makaka tongits sa inyo kapag matapos na ang laro.

e. Subukang i-tiyempo ang pagbaba mo ng iyong mga bahay. Tandaan na maaaring dagdagan ng mga kalaro mo ang ibababa mong mga flush. Subukang ibagsak ang mga bahay mo kapag naitapon na nila ang kanilang mga importanteng baraha o kaya naman ay bumuo na sila ng ibang bahay para masira ang kanilang konsentrasyon o mga nabuong strategy sa kanilang mga baraha.

Masayang laruin ang tongits. Karaniwang nilalaro ito ng mga matatanda tuwing hapon sa iba’t-ibang probinsya sa bansa, lalo na kapag may tayang kasama. Ang lahat ng taya ay nilalagay sa isang “pot” na tinatawag. Ang manlalarong mananalo ng magkasunod na dalawang rounds ng tongits ang siyang mag-uuwi ng lahat ng pera sa pot. Maaari ding ayusin ang rule na ito kung saan babayaran lamang ang nanalo ng dalawang magkasunod na beses at kailangang manalo ng tatlong magkakasunod na beses sa laro para maiuwi ang buong premyo.


Dito sa Pilipinas, hindi na lang basta basta libangan ang larong tongits. Karamihan ay ginagawa na din itong hanapbuhay, lalo na sa mga nasa mas mababang antas ng pamumuhay kaya ito itinuturing na isang uri na ng sugal sa bansa.

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)