Emergency: May nabibilaukan! Mga dapat gawin sa taong nabibilaukan.

Charisma Espinol
is a Medical expert in the Philippines

May mga pagkakataon sa ating buhay na tayo'y haharap sa isang emergency. Maaaring mangyari ito sa isa nating kakilala, kaibigan o kaya'y mahal sa buhay. Natataon ito sa mga panahon na hindi natin inaasahan katulad halimbawa habang kumakain, namamasyal, nakikipagusap o kaya nama'y kahit sa simpleng araw araw na pamumuhay lamang.
 
Isang emergency na maaari nating kaharapin ay ang mabilaukan ang isang tao sa paligid natin o kaya nama'y sarili natin mismo.
Ang mabilaukan o "choking" ay isang pangyayari kung saan nagkakaroon ng pagbara sa ating lalamunan o kaya nama'y sa "windpipe" (tubo na kumukonekta sa lalamunan at baga). Ang mga bagay na maaaring bumara dito ay karaniwang pagkain at mga bagay na pwedeng masubo ng bata gaya ng maliliit na laruan.
 
Senyales kapag ang isang tao ay nabibilaukan:
 
1. Ang mga kamay ay nakadakma sa lalamunan na waring nasasakal
2. Hindi makapagsalita
3. Pagubo
4. Nanginginig na tunog o "squeaky sound" kapag sinusubukang huminga
5. Nahihirapan sa paghinga o kaya nama'y sobrang ingay ng paghinga
6. Ang balat, labi at mga kuko ay nagkukulay pula pagkatapos ay nagiging maputla at kalauna'y nagiging asul o "blue"
7. Nawalan ng malay
 
Kapag naobserbahan mo ang mga senyales na ito sa isang tao, nararapat mo siyang bigyan ng agaran at mabilis na aksyon upang matugunan ang kanyang matinding pangangailangan ng emergency response.
 
Mga bagay na dapat mong gawin sa taong nabibilaukan:
 
1. Paubuhin ang isang taong nabibilaukan ng malakas, kung kaya niyang umubo. Ito ay upang mailabas niya ang anumang nakabara sa kanyang lalamunan o windpipe. Ang pagubo ay isang mekanismo na maaring makatulong upang mailabas ang bagay na nakabara sa lalamunan ng isang taong nabibilaukan.
 
2. Magbigay ng 5 malakas na pagpalo sa likod. Ginagawa ito kung ang isang tao nama'y  hindi makapagsalita o umubo man lang. Gawin ito sa isang nakakatandang tao habang nakatayo sa gilid o sa likod nito. Nakakatulong ito sa paglabas ng bagay na nakabara sa lalamunan ng nabibilaukan.
Tandaan na dapat na bahagyang nakayuko ang taong nabibilaukan upang mas mataas ang tyansa na mailabas agad ang bagay na nakabara.
 
3. Gawin ang "heimlich maneuver"
Mga hakbang kung paano ito gawin:
A. Pumwesto ka sa likod ng taong nabibilaukan. Bahagyang ipwesto ang isang paa sa harap upang magkaroon ng magandang balanse. Ibalot mo ang dalawang kamay sa bewang ng taong nabibilaukan at bahagya siyang ihilig pasulong.
Kung bata ang nabibilaukan, dapat na lumuhod upang lumebel sa taas ng bata.
B. Ilapat mo ang isang kamao mo sa itaas ng pusod ng nabibilaukan (ang hinlalaking daliri ay dapat na nakatupi sa gilid ng kamao)
C. Ibalot mo ang isa mo pang kamay sa iyong kamao at itulak paloob at paitaas ng sabay (na parang sumulat ng letrang J).
D. Kung buntis o "obese" ang isang taong nabibilaukan, ilapat mo ang isa mong kamao sa gitna ng dibdib ng buntis at ibalot ang isa mo pang kamay sa iyong kamao saka itulak ang mga ito paloob.
 
4. Ulitin ang pagpalo sa likod at paggawa ng heimlich manuever hanggang sa mailabas ang bagay na nakabara sa lalamunan ng taong nabibilaukan.
 
5. Humingi ng tulong.
 
6. Kung ang tao ay nawalan ng malay, gawin ang CPR (kung ikaw ay sumailalim sa training nito).
 
Emergency: May nabibilaukan! Mga dapat gawin sa taong nabibilaukan.

Mga bagay na dapat mong gawin kung ikaw ang nabibilaukan:
 
1. Humingi ng tulong kung may malapit na tao sa iyo.
 
2. Umubo ng malakas upang mailabas ang bagay na nakabara sa lalamunan.
 
3.. Gawin ang "heimlich manuever" sa sarili
Mga hakbang kung paano ito gawin:
A.  Ilapat mo ang isang mong kamao sa itaas ng iyong pusod (ang hinlalaking daliri ay dapat na nakatupi sa gilid ng kamao)
C. Ibalot mo ang isa mo pang kamay sa iyong kamao at itulak paloob at paitaas ng sabay (na parang sumulat ng letrang J).
D. Humanap ng lamesa o upuan at yumuko sa matigas na bahagi nito upang ito ang magsilbing pagmulan ng lakas sa pagtulak paloob at pataas ng iyong kamao
 
Mga bagay na dapat mong gawin sa sanggol (0-12 na buwan) na nabibilaukan:
1. Humngi ng tulong.
 
2.. Umupo ka at idapa mo ang sanggol sa isang kamay mo habang  nakasuporta sa ilalim nito ang iyong hita. Suportahan ang ulo at leeg ng sanggol gamit ang isa mong kamay. Bahagyang nakababa dapat ang ulo kaysa sa katawan ng sanggol.
 
3.. Kabugin nang matatag ngunit marahan ang likod ng sanggol gamit ang matigas na parte ng isa mong kamay. Gawin ito ng limang beses.
 
4.. Itihaya ang sanggol habang nakasuporta pa din ang iyong kamay at hita sa bigat nito. Siguraduhing bahagyang nakababa pa din dapat ang ulo kaysa sa katawan ng sanggol.
 
5. Ipwesto ang dalawang daliri sa gitna ng dibdib ng sanggol at magbigay ng 5 "compression" (itulak ang dalawang daliri pababa ng 1 at 1/2 inch). Siguraduhin ang pagbalik o pagtaas ng dibdib kada isang compression.
 
6. Ulitin ang pagkabog at compression hanggang sa mailabas ng sanggol ang nakabara sa lalamunan o hanggang hindi pa bumabalik ang paghinga nito.
 
7. Gawin ang CPR (kung ikaw ay sumailalim sa training nito).

Emergency: May nabibilaukan! Mga dapat gawin sa taong nabibilaukan.


 
Ang mga hakbang na ito ay mahalagang matutunan ng kahit na sinuman dahil ito ay maaaring makapagsalba ng isang buhay lalo na sa ating mga minamahal.


About the author

Charisma Espinol

Profession: Nurse
Philippines , NCR , Caloocan City

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.