Tinatawag na nasa “Bull Market” ang isang financial market, investment security (tulad ng stock market), o industry kapag tumataas ang presyo (ie. share prices) o inaaasahang tumaas ang presyo nito. Halimbawa kapag may-ari (investor) ka ng stocks at nasa bull market ang stocks ngayon, kikita ka dahil tumataas ang presyo ng mga stocks. Madalas na tumutukoy ang terminong “bull market” sa stock market, ngunit maaaring gamitin din itong term sa ibang financial markets tulad ng bonds, currencies at commodities (tulad ng oil).
Positibo (optimistic) ang pananaw ng mga investors kapag nasa bull market ang isang market , at inaaasahang tataas ang presyo nito. Kadalasan mga 20 percent ang inaasahang pagtaas ng presyo mula sa kanyang pinakamababa o bottom. Inaasahan ding long term o hindi bababa ng isang taon (1 year) ang pagtaas nito (upward trend).
Ang paggamit ng talinghaga (metaphor) na “bull” upang ilarawan ang bull market ay dahil sa paraan kung paano umatake ang isang bull (toro), kung saan itinutulak ng toro ang kanyang sungay ng paitaas.
“Bear market” naman ang kabaligtaran ng bull market, kung saan inaasahang bababa ang presyo ng market. Ginamit ang bear upang ilarawan ang inaasahang (expectation) pagbaba ng mga presyo, dahil binabagsak ng oso (bear) ang kanyang mga harapang paa (paws) ng pababa tuwing umaatake ito.