Lamig sa Katawan: Ano Natural na Gamot sa Pulikat o Lamig ng Kalamnan. Bakit masakit at mga halamang gamot herbal

Medical Team
is a Medical expert in United States

Nakaranas ka na ba na kung minsan, walang ano-ano ay bigla na lamang nanigas at hindi mo maiunat ang isang masel o kalamnan ng iyong katawan?  Ang karaniwang tawag doon ay pulikat o lamig ng kalamnan.  Ano nga ba ang pulikat?
 
Ang pulikat o lamig ng kalamnan ang tawag sa biglaan at di sinasadyang kontraksyon o paninigas ng masel o kalamnan.  Ito ay maaaring maramdaman sa iba’t ibang parte ng katawan ngunit kadalasan ay sa likod, leeg, batok, braso, hita, binti, kamay at paa.   
 
Karaniwang Sanhi
May pagkakaiba ang sanhi ng pulikat sa iba’t ibang tao.  Kadalasang sanhi nito ay ang labis na pag-eehersisyo at kakulangang makapagpahinga ng masel pagkatapos ng partisipasyon sa mga palarong pampalakasan.  Ang mga tao namang may dati nang iniindang sakit sa likod, leeg at batok ay madalas ring makaranas nito.   Ang mga babaeng buntis o nagdadalang-tao ay mataas rin ang tsansang makaranas ng pamumulikat sa kadahilanang mabilis ang pagtaas ng kanilang timbang dulot ng pagbubuntis.  Ang mga kababaihan naman na may buwanang dalaw o regla ay nakararanas ng pamumulikat ng tiyan dahil sa kontraksyon ng masel ng kanilang matris.  
 
Paunang Lunas
Ang pagrerelaks o pagpapahinga ng apektadong masel o kalamnan ay makatutulong maibsan ang sakit na dulot ng pamumulikat.   Karaniwang ang pagmamasahe at pagbabanat o pag-uunat ng naturang masel ay isang mabilisan at madaling paraan na makapagbibigay ng dagliang lunas sa matinding sakit.
 
Natural na Gamot
Totoong masakit ang dulot na kirot ng pamumulikat subalit marami namang natural na lunas o remedyo para dito katulad ng mga sumusunod:

1.  Mansanilya - Ito ay isang uri ng halamang gamot na matagal nang ginagamit sa       iba’t ibang mga karamdaman kasama na dito ang pamumulikat.   Ito ay may halos 36 na sustansiyang kemikal na ang tawag ay flavonoid.  Ang mga flavonoid ay tumutulong sa pagtanggal ng pamamaga ng masel o kalamnan.   Ang pagmamasahe gamit ang langis ng mansanilya (aceite de manzanilla) sa apektadong masel o kalamnan ay nakapagbibigay ng ginhawa mula sa sakit na dulot ng pamumulikat.  Ang pag-inom naman ng tsaa ng mansanilya ay nakatutulong makapagrelaks ng napagod na masel   o kalamnan.

2.  Inuming katas ng seresa (cherry) - Ang mga atletang sumasali sa mga palarong takbuhan o maraton ay nakararanas ng matinding tensyon sa kanilang mga masel kaya’t ang inuming katas ng seresa ay karaniwang kanilang iniinom upang makatulong malunasan ang pamamaga at pananakit ng kanilang masel o kalamnan.   Maraming mga pag-aaral ang nakapagsabing ang pag-inom ng mapaklang katas ng seresa ay nakababawas ng sakit ng kalamnan pagkatapos ng pagtakbo.  Ang katas ng seresa o cherry juice ay karaniwan nang mabibili sa mga pamilihan o groseri dahil sa marami na ang nakakaalam sa mga benepisyong pangkalusugan na idinudulot nito.

3.  Siling labuyo – Ang ‘capsaicin’ ay isang natural na sangkap na nasa siling labuyo na nakapagdudulot ng pagpapakalma sa pinulikat na masel o kalamnan.  Ito ay kadalasang ipinapayo o inirerekomenda sa mga taong may sakit na rayuma dahil sa kakayahan nitong makabawas ng sakit ng kasukasuan na dulot ng artritis.  Ito ay maaaring ihalo bilang sangkap sa ulam o pagkain upang ang matinding anghang nito ay hindi gaanong malasahan ng kumakain.  Mayroon na ring mga kapsula at pampahid na gawa sa siling labuyo.  Ang mga capsules ay para sa mga hindi gustong malasahan ang anghang ng siling labuyo samantalang ang pampahid naman ay para sa mga nagnanais ng dagliang lunas mula sa kirot ng masel na pinulikat.

4.  Bitamina D - Ang mga taong madalas na pinupulikat ay maaaring may kakulangan sa Bitamina D.   Ang Bitamina D ay natural na nakukuha sa mga pagkain mayayaman sa bitaminang ito tulad ng itlog, isda at gatas.  Ang sikat ng araw ay isa rin sa mga natural na pinanggagalingan ng Bitamina D kaya’t ang pagpapaaraw o pagbibilad sa araw ang pinakamurang paraan upang magkaroon ng Bitamina D sa katawan.  May mga kapsula rin at tabletang mabibli na mayroong Bitamina D

5.   Magnesiyo - Ang magnesiyo ay isang masustansyang mineral na nagpapanatili ng kalusugan ng masel at ugat.  Ang mineral na ito ay makukuha sa mga pagkaing katulad ng saging, maning pili, butong gulay o legume, pinawang bigas o brown rice.  Marami na rin ang nabibiling kapsula o tabletang magnesiyo bilang karagdagang pagkain o food supplement.

6.  Tsaa mula sa luyang dilaw – Ang luyang dilaw o turmeric ay may natural na sangkap na ang tawag ay curcumin.  Ang curcumin ay mayroong kakayahan na pababain ang lebel ng pamamaga ng masel o kalamnan pagkatapos mag ehersisyo. Kaya’t ang pag-inom ng tsaa mula sa luyang dilaw ay ipinapayo ng mga eksperto at mga dalubhasa dahil maraming mga pananaliksik na ang nakapagpatunay na ito ay makatutulong na makapagpabawas ng paninigas o lamig ng kalamnan.

7.  Pagpapahinga – Isa sa mga madali, epektibo at natural na pamamaraang ginagamit upang makaramdam ng lunas sa pulikat ay ang pagpapahinga.  Siguraduhin ring matulog ng sapat na bilang na oras, uminom ng maraming tubig at iwasang mapagod ang apektadong masel o kalamnan.  Ang paglalagay ng mainit na tuwalya (hot compress), almohadon (heating pad) o yelo (ice pack) sa apektadong masel ay nakapagbibigay ng dagliang lunas sa taong may pulikat. 

Kapag ang pulikat ay nagmula sa matindi o labis na pagkapagod ng masel, maaaring mayroon nang pinsala ang naturang masel kaya’t ang pagpatong ng yelo (ice pack) sa apektadong masel o kalamnan ang mas pinipiling paraan kung ihahambing sa paggamit ng mainit na tuwalya o almohadon.  Ito ay sa kadahilanan na ang yelo ay nakapagpapakalma ng transmisyon ng impulso (nerve impulse) ng kirot o sakit na nagmumula sa utak.   Ang utak natin ang sentral na pinanggagalingan ng ating mga pandama at doon napoproseso kung tayo ay makararamdam ng sakit o ginhawa. 
 
References and Sources:
Healthline. (2017, August 2). 7 Best Natural Muscle Relaxers. Retrieved from: https://www.healthline.com/health/pain-relief/best-natural-muscle-relaxers#vitamin-d
 
Addicition Resource. (2019, December 18). Natural Muscle Relaxers. Retrieved from:  https://addictionresource.com/drugs/muscle-relaxers/natural/
 
ScienceDirect website. (2017). Spasm. Retrieved from: https://www.sciencedirect.com/topics/medicine-and-dentistry/muscle-spasm

About the author

Medical Team

Our medical team verify the medical accuracy of the articles you read on our site. U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco
Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.