PAANO MAGPA ANNUL NG KASAL? ANO ANG ANNULMENT OF MARRIAGE NA KATANUNGAN: FREQUENTLY ASKED QUESTIONS

Adelaimar C Arias-Jose
is a Legal expert in the Philippines

Ano ba ang ibig sabihin ng annulment of marriage?
Kalimitan, kapag nabanggit ang ANNULMENT ng kasal, ang pinatutungkulan nito ay ang pagpapawalang-bisa ng kasal sa ilalim ng Article 36.

Mayroon din naman declaration of nullity, halimbawa kung ang mag-asawa ay kinasal noong sila’y pawang mga menor de edad, o kinasal ng isang taong wala namang karapatan na mag-kasal sa kanila. Mayroon ding annulment kung ang mga ikinasal sa isa’t-isa ay malalapit na kamag-anak. Ito rin ay sumasailalim sa konsepto ng “annulment”. Pero, para sa mga mas nakararaming mga Pilipino, ang intindi nila sa ANNULMENT ay iyong sa ilalim ng Article 36 at tinataguriang “psychological incapacity.”


Ano ang Article 36?
Ang Article 36 ay hango sa Family Code of the Philippines na siya nang umiiral na batas na sumasaklaw sa kasalan at buhay pamilya. Ito ang pumalit sa bahagi ng ating lumang Civil Code na noon pang 1950 naisa-batas. Ang Family Code ay naisa batas noong 1988 at ito ay naging batas noong 1989.


Ano ang “psychological incapacity”?
Sa ilalim ng mismong Article 36, walang binigay na definition o paka-hulugan sa katagang “psychological incapacity” kung kayat napilitan ang Korte Suprema na ilahad kung ano ang ibig sabihin ng “psychological incapacity”.

Ito ay konseptong hango sa Canon Law o batas ng Simbahang Katolika. Sa ilalim ng desisyon sa kaso ng Republic vs. Molina (o tinatawag na Molina ruling), ang psychological incapacity ay isang tunay na kawalan ng kakayahang arukin ng isip ang mga obligasyon ng isang pag-kakasal. Ito ay dapat na humigit pa sa pagtanggi lamang, o kaya’y pagpapabaya, o kapabayaan o kahirapan na gampanan ang mga obligasyon ng ugnayan o pag-iisang dibdib. Ito’y higit din sa di-pagkaka-unawaan o di-pagkakasundo. Ang psychological incapacity ay hindi basta kawalan ng pagtutugma ng pag-uugali o katangian ng mga mag-asawa.

Sa iba pang mga kaso, nailahad din ng Korte Suprema na ang psychological incapacity ay kailangang may root cause o ugat na dahilan na nagmumula sa sira ng kaisipan ng tao, o sa sira ng pagka-hubog ng kanyang personalidad (personality and psychological disorder) kung kaya’t hindi mababatid ang pinapasok na kasalan.


Ano ang kaibahan ng DIVORCE sa ANNULMENT (Article 36)?
Ang divorce ay ang pag-putol ng ugnayan ng kasalang noong una ay legal. Ang annulment ay deklarasyon na simula’t sapul, walang tunay na kasalang naganap dahil sa may depekto sa pag-iisip ang ikinasal sukat na hindi nila batid ang obligasyong pinapasok nila.

Walang diborsiyo sa Pilipinas hanggang sa ngayon, ngunit ang Annulment ay matagal nang mayroon sa Pilipinas noon pa man sa ilalim ng Civil Code, at mula 1989, sa ilalim ng Family Code.


Anu-ano ang mga situwasyon na naideklara na ng Korte Suprema na hindi sumasailalim sa “PSYCHOLOGICAL INCAPACITY”?
1. Ang pagsasampa ng marami at sunud-sunod na mga habla at kaso laban sa asawa ay hindi psychological incapacity.

2. Ang pag-tatalak ng babae, init ng ulo, pagka-maluho at ang pag-abandona sa asawa ay hindi psychological incapacity.

3. Ang pagkakaroon ng kalaguyo ay hindi psychological incapacity.

4. Ang paninigaw, pagpapahiya o pag-kontrola sa asawa ay hindi rin psychological incapacity.

5. Ang kawalan ng muwang, ang kawalan ng emotional maturity, ay hindi din psychological incapacity

6. Ang pagiging manginginom (alcoholic) o ang walang prenong pagnanasa sa sex ay hindi din psychological incapacity

7. Ang hindi pagbibigay ng suportang pinansiyal o emosyonal at pagsasalita ng mga masasakit sa asawa ay hindi din psychological incapacity


Paanong masasabi na may “psychological incapacity” ang isang tao?
Upang mapa-paniwala ang husgado na may psychological incapacity ang isang tao, kailangang may prueba ng mga sumusunod:

1. Kailangang may ebidensiyang ang incapacity ay psychological o mental

2. Kailangang ang psychological incapacity ay tumutukoy doon sa KAWALAN NG KAKAYAHANG intindihin, tanggapin at gampanan ang mga obligasyon ng pag-aasawa katulad ng pagtira sa ilalim ng isang bubong na magkaama, magpadama ng pag-ibig, respeto, katapatan at at pagsusuyuan at pagtutulungan. Kung basta ayaw lang, hindi ito psychological incapacity – kailangang wala talagang kakayahan dahil sa di-tamang hubog ng pag-iisip o mentalidad.

3. Kailangang may ganito nang kapansanan sa kaisipan noon pa mang panahon na sila’y kinasal kahit na ang mga senyales o sintomas ay nai-pakita lamang matapos na silang magpakasal

4. Kailangang ang mental disorder ay seryoso at walang lunas.


Madali bang makapag-pa- ANNUL ng kasal?
HINDI. Lubhang mahirap na patunayan ang psychological incapacity. Kailangang mapatunayan na may mental disability ang asawa bago mapawalang-bisa ang kasal.

HINDI. Kailangan na sa Petisyon pa lamang, naka-saad na ang mga batayan ng psychological incapacity.

HINDI. Kailangan kalimitan ng propesyonal na opinyon ng isang psychiatrist (hindi basta psychologist) upang maging batayan ng finding ng psychological incapacity.

HINDI. Kailangang tumestigo ang petitioner (o iyong asawang nag-hain ng demanda) upang ilathala ang TOTALITY o kabuuan ng mga kilos o pag-uugali na nagtulak sa kaniya na maniwalang may kakulangan sa pag-iisip ang kanyang asawa kung kaya’t humihingi siya ng annulment.

HINDI. Kailangang mag-laan ng sapat na panahon, presensiya, pera at pasensiya upang makamtan ang annulment.


Bakit kailangan ng psychiatrist?

1. Kailangan na marinig ng husgado ang diagnosis ng psychiatrist kung ano ba talaga ang personality disorder ng asawa.

2. Kailangang mai-salaysay ng psychiatrist kung bakit niya naibigay ang ganoong diagnosis halaw na rin sa kanyang mga interview sa mag-anak

3. Kailangang ipa-kita niya at ipaliwanag kung anu-ano ang mga medical, psychiatric, psychological o psychometric na mga examination ang ginawa sa asawang sinasabing may psychological incapacity.

4. Kailangang magbigay ng basehan kung bakit nasabi ng psychiatrist na ang personality disorder noong asawa ay clinically permanent at incurable (walang lunas).


Puede bang mag-file ng annulment kung ang asawa ay nasa abroad?
OO, ang annulment ay maaaring umpisahan kung ang isa sa mga mag-asawa ay wala dito sa bansa, o parehong nandito sa bansa. Komunsulta sa abogado upang malaman kung paanong makakapag-sampa ng habla kung ang isa sa inyo ay nasa ibang bansa.


Puede bang non-apperance sa kaso ng annulment?
HINDI. Una, kailangang ang petisyon ay mag-mula sa lahat ng reklamo at obserbasyon ng asawang nagdedemanda.

HINDI. Kailangang lagdaan at panumpaan ang petisyon.

HINDI. Kailangang humarap sa Prosecutor ang mag-asawa upang malaman kung ang mag-asawa ay nagkukunwari lamang upang mag-hiwalay na silang tuluyan.

HINDI. Kailangang tumestigo ang nag-sampa ng petisyon.

HINDI. Kailangang ma-cross-examine ang nagsampa ng petisyon noong Prosecutor.


Kung naglaho nang parang bula ang aking asawa at hindi ko na siya matagpuan?
Puede ding mag-file ng Annulment kung hindi na matulikap ang asawa, ngunit mamarapatin ng husgado na ang lahat ng lugar kung saan dati nakatira ang asawang nawawala o ang kanyang mga kamag-anak ay padalhan ng kopya ng petisyon.

Maaari ding ipag-utos ng husgado na ipa-lathala sa periodiko ang petisyon.


Bakti naman napaka-higpit ng mga husgado sa annulment?

1. Ang kasal at ang pamilyang nabubuo sa ilalim ng kasalan ay isang sagradong institusyon na pinoprotektahan ng estado, ng simbahan at ng husgado at ng batas. Hindi ito basta-basta bubuwagin.

2. Hindi puwedeng basta ipa-walang bisa ang kasal kung walang sapat at convincing na ebidensiya.

3. Hindi laru-laro ang kasal na puedeng kalimutan o isa-isang tabi dahil lamang sa mga mabababaw na kadahilanan.

4. Para sa mga kadahilanang seryoso lamang dapat ipa-walang-bisa ang kasal.


Ano ang ‘totality of facts’ na sinasabi?
Kung halimbawa’y ang asawang naghahabla ay binubugbog, hindi maaaring ipa-walang bisa ng husgado ang kasal dahil lamang sa pambubugbog – kailangang mapatunayan na ang pambubugbog ay nag-uugat sa isang kasiraan ng pagkatao o pag-iisip.

Hindi puedeng ipakita lamang sa husgado na madalas uminom at maglasing ang asawa, kailangang mai-ugnay ang madalas na kalasingan sa isang ugat na depekto sa isip.

Hindi puedeng ipakita lamang na basta hindi magka-sundo ang mag-asawa o hindi magka-unawaan. Kailangang may prueba na ang di-pagkakasundo ay bunsod ng ugat na depekto sa kaisipan.


Ano ang mga situwasyong hindi sumasailalim sa annulment?

1. Kung ang mag-asawa ay naghiwalay na sa loob ng mahabang panahon, hindi ito basehan ng annulment

2. Kung nagsasama na lang ang mag-asawa dahil sa ayaw nilang mabuwag ang pamilya, hindi ito basehan ng annulment

3. Kung ang mag-asawa ay pareho na maryoong ibang kinakasama – hindi ito basehan ng annulment

4. Kung ang mag-asawa ay laging nag-aaway at nag-sasakitan kung sila’y nagsasama – hindi pa rin ito basehan ng annulment.


Ano ang maaaring gawin kung hindi pasok sa konsepto ng annulment ang inyong problema?

1. Komunsulta sa abogado upang malaman ang lahat ng maaaring basehan ng pag-hingi ng annulment bukod sa psychological incapacity

2. Sumulat sa inyong kongressman upang ipaalam sa kaniyang ikaw ay pabor sa diborsiyo.

3. Hikayating sumulat din ang iyong mga kaanak at mga kaibigan at kakilalang lumagda upang ipaalam sa mga congressman ninyo na nais ninyong magkaroon ng batas para sa diborsiyo.

4. Puede din namang mangi-bang-bansa, magpa-citizen sa isang bansang may diborsiyo at kapag ganap na kayong citizen doon sa ibang bansa, humingi ng diborsiyo.

5. Ipa-rehistro ang diborsiyong nakuha mula sa ibang bansa dito sa Pilipinas.


Sana’y naliwanagan kayo sa konsepto ng annulment.

About the author

Adelaimar C Arias-Jose

I am a graduate of the UP College of Law. Member of the Integrated Bar of the Philippines since 1995. I am currently involved in private practice in criminal, civil and labor law.
Profession: Lawyer
Adelaimar C. Arias-Jose
Office Address: #34 St. Michael Street
Philippines , Manila , Makati

 

This post has been closed for comments and replies. To ask a related or new question, please post a new question below.
anonymous
This person has chosen to hide his/her identity.
Atty. Bimbi,

Ako po ay isang nanay na may apat na anak at kasal ng sibil sa aking asawa. Noong 2013, nalaman ko pong may babae ang aking asawa kung kaya't nagpasya akong umalis sa aming tirahan dala ang aking mga anak at mamuhay sa Maynila sa poder ng aking Ina. Ngayon po ay may nakapagsabi sa akin na nagpaplano ang babae ng aking asawa at aking asawa na umuwi sa Pilipinas upang mag-file ng annulment. (Sila po ay nasa ibang bansa. Hindi po Pilipino ang kalaguyo ng aking asawa). Mabibigyan bisa po ba ang annulment na ihahain nila kahit hindi ko po gusto ma-annull? Ano po mangyayari sa akin at sa aking mga anak kung ito'y maaprubahan. May laban po kaya ako?

Maraming salamat po sa inyong pagtugon...
Recommend Report abuse
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.

Disclaimer: The materials available in the Buhay OFW web site are for informational purposes and not for the purpose of providing legal advice. You should contact your attorney to obtain advice with respect to any particular issue or problem. Use of and access to this Web site or any of the e-mail links contained within the site do not create an attorney-client relationship between Buhay OFW and the user or browser.

If you are a legal expert who would like to help answer questions, please register here.