Inter-Country Adoption in the Philippines

Adelaimar C Arias-Jose
is a Legal expert in the Philippines

Inter-Country Adoption in the Philippines

This article answers the following popular questions:

Can foreigners adopt Filipino children?

Can former Filipino citizens adopt their relatives?

Can foreign spouses of former Filipino citizens adopt the biological children of their spouses?


MadonnaSiguro naman, lahat tayo’y naka-aalala noong balita na ang superstar na si Madonna ay nag-desisyong mag-ampon ng isang bata sa Malawi, sa kontinente ng Africa. Kung maaalala natin, kinausap ni Madonna directly ang mga magulang at kaanak ng bata at mula sa kanila, inampon ni Madonna ang bata.



Ang problema ay, hindi nagtagal, matapos nang makuha na ni Madonna ang bata, at ito’y naninirahan na kasama niya sa US, ang mga kamag-anak ng bata ay nagreklamo at naghabla laban kay Madonna hinggil sa kanyang “pagkuha” ng kanilang kaanak. Nagkaroon ng kasuhan kung saan ang adoption ay kinuwesityon sa husgado sa Malawi. Nais nilang ipa-walang-bisa ang adoption.



Ito ang scenario na nais na iwasan ng bansang Pilipinas kung kaya’t ang lahat ng adoption ng mga batang Pilipino ng mga magulang na foreigners ay estriktong sinusuri ng pamahalaan sa pamamagitan ng Inter-Country Adoption Board.



Ang article na ito ay sadya kong isinulat upang sagutin ang maraming mga katanungan ng mga dating Pilipino citizens na nangibang-bansa na at naging mga citizens na sa ibang bansa, at nais na mag-ampon ng kanilang kamag-anak o mga bata mula sa bahay ampunan. Ito rin ang kasagutan sa mga katanungan ng mga foreigners na nais na pumunta sa Pilipinas upang subukin kung papalain silang maka-pag-ampon ng batang Pilipino upang dalhin sa kanilang bansa at doon na manirahan.



Puede bang ang mga hindi Filipino citizens ay mag-ampon ng mga batang Pilipino? Oo, ang mga foreigners or citizens ng ibang bansa ay maaaring mag-ampon dito sa Pilipinas ng mga batang Pilipino, kamag-anak man nila sa dugo o hindi.



Iyon na nga lang, mahigpit ang regulation ng adoption ng mga foreign prospective parents ng mga batang Pilipino.



Bakit?



Una sa lahat, ang public policy ng bansang Pilipinas ay, dapat na ang mga batang Pilipino ay dito manirahan at lumaki sa Pilipinas, sa pangangalaga ng kapwa mga Pilipino upang ang kanilang likas na kultura at kaugalian ay hindi nila aliutan o abandonahin.



Ang Pilipinas ay isang state party at signatory sa treaty na tinaguriang The Hague Convention on Protection of Children and Co-operation in Respect of Intercountry Adoption. Pumirma ang Pilipinas sa tratadong ito noong January 8, 1996 at ito’y naging isang umiiral na batas mula pa noong November 2, 1996.



Ang Pilipinas ay isang signatory din sa U.N. Convention on the Rights of the Child. Ang batas na mga ito ay naglalayong gawing masusi ang adoption process ng mga bansang lumagda dito upang mapigilan ang child trafficking.



Ang child trafficking ay ang paagbebenta ng mga bata upang maging mga trabahador o mga drug mule o di kaya’t mga sex slaves. Marami na kasing mga kaso na ang mga bata ay kunwari’y inaampon mula sa mga mahihirap na bansa at sila’y dinadala ng mga nag-a-adopt sa kanila sa ibang bansa kung saan ang mga bata’y pinag-ta-trabaho at hindi inaalagaan. Ang child trafficking din ay ang pag-kidnap, at pag-pupuslit ng mga bata sa iba’t-ibang bansa.



Ang mga international treaties na ito ay isina-batas sa Pilipinas at ito’y kilala dito bilang PD 603 at R.A. 8043. Sa ilalim ng mga batas na ito (na mga kopya lamang noong mga internation treaties na nilagdaan ng Pilipinas), naging fundamental policy ng bansang Pilipinas NA:



1. Ang mga batang Pilipino na aampunin ay dapat na lumaki sa isang permanent family environment dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa.



2. Ang pag-papa- aampon ng mga batang Pilipino sa mga parents na foreigners ay dapat na isagawa kung wala nang ibang pamilyang Pilipino na nagnanais, kwalipikado, at angkop na mag-alaga at tugunan ang mga pangangailangan ng batang aampunin.



3. Sa pagpapa-ampon ng mga batang Pilipino sa mga foreign parents, kailangang pangalagaan at igalang ang fundamental rights of the child at ang kanilang best interest.




ICAB



Intercountry Adoption Board



Dahil dito, binuo ang Inter-Country Adoption Board (ICAB) upang siguruhing ang inter-country adoption (o ang pag-aampon ng mg foreigners ng mga batang Pilipino) ay last resort. Kailangang i-exhaust ng ICAB at ng DSWD at iba pang related agencies na wala na talagang mahahanap pang mga magulang dito sa Pilipinas na maaaring mag-ampon sa mga batang Pilipino.



Dahil din dito, hindi na puede ang mga private na adoption. Lahat ng adoption ng mga foreigners (kahit na dati pa silang Filipino citizen) ay dapat na dumaan sa ICAB. Walang batang Pilipino na puedeng ampunin kundi’t ang bata ay na-deklara nang LEGALLY FREE FOR ADOPTION.



Paano umpisahan ang proseso ng adoption sa ilalim ng inter-country adoption?



Una, kailangang mag-apply for adoption ang mga foreigners sa isang licensed adoption agency sa kanilang sariling bansa.



Pangalawa, isusumite ng foreign adoption agency ang application sa ICAB dito sa Pilipinas.



Pangatlo, isusumite ng mga foreign adoptive parents ang mga required supporting documents upang magkaroon ng prueba na may kakayanan silang pinansiyal na magpalaki ng bata, na sila’y may sapat na panahon at kalusugan upang mag-alaga ng bata. Ang isa sa mga dokumentong isusumite ng mga foreign adoptive parents sa ICAB dito sa Pilipinas ay ang Home Study Report na ginawa noong Foreign Adoption Agency sa bansang tinitirahan ng mga foreign adoptive parents.



Pang-apat, ang social worker na itatalaga ng ICAB sa Pilipinas ay magsasa-gawa ng initial screening ng mga foreign parents sa pamamagitan ng interview.



Pang-lima, magkakaroon ng review o evaluation ng mga papeles at report na isinumite sa ICAB.



Pang-anim, magdedesisyon ang ICAB para i-approve o i-disapprove, o i-defer ang approval.



Pag-approved ang application for adoption, isasama ang mga pangalan ng mga foreign adoptive parents sa roster ng approved applicants. At i-a-assign at i-ma-match ng ICAB ang isang batang Pilipino sa prospective foreign adoptive parents.



Please note: HINDI PUEDENG PUMILI ANG MGA FOREIGNERS NG BATA NA GUSTO NILANG AMPUNIN. ICAB ang mag-hahanap ng mga batang legally-free for adoption na ima-match sa mga approved parents.







Ano ang mga benepisyo ng adoption sa ilalim ng kapangyarihan at proseso ng ICAB?



1. Maikli ang waiting period. Sa average, humigit-kumulang 3-5 years ang panahon mula sa pag-a-apply ng mga foreigners sa kanilang bansa hanggang sa ma-approve at ma-match sila sa isang adoptive child.



2. Hindi na kailangan ng mga foreign adoptive parents na maging residente ng Pilipinas upang mag-adopt dito dahil sa ang foreign adoption process ay magsisimula sa home country ng mga foreign adoptive parents.



3. Ang finalization ng adoption decree ay doon sa bansa ng mga foreign adoptive parents isasagawa.



4. Kapag na-approve na at na-match na sa Pilipinas ang adoption, maaari nang dalhin ng mga foreign adoptive parents ang kanilang inampong bata sa kanilang home country. Ang proseso sa ilalim ng ICAB ay sakop pati na ang immigration ng batang Pilipino sa home country ng foreign adoptive parents.



5. Hindi na kailangan ng mga foreign adoptive parents na bumayad ng abogado dito sa Pilipinas dahil sa ang proseso ng adoption sa ilalim ng ICAB ay isang prosesong administratibo at hindi isang prosesong judicial (hindi na haharap pa sa huwes dito sa Pilipinas, doon sa sa huwes sa home country ng Foreign Adoptive Parents haharap sa finalization ng adoption decree).



6. Ang bayarin sa ICAB ay fixed, at di-hamak na mas mura kaysa sa ibang mga karatig na bansa ng Pilipinas.



7. Wala nang iba pang government agency na kailangang kausapin ng Foreign Adoptive Parents kundi ang ICAB. Hindi na sila pa-iikut-ikutin pa o pag-papasa-pasahan pa from agency to agency.



8. Masusi at kumpleto ang family history at medical history ng bata sa mga records ng ICAB para kung naisin ng bata na makilala ang kaniyang biological parents, maaari nilang mahanap ang mga ito. O kaya naman, kung magka-sakit ang bata, at kakailanganin ng donor mula sa biological family ng bata, maaaring ma-contact pa ang mga biological family ng bata.







Patungkol sa Matching Process ng sa ilalim ng proceso sa ICAB:



Tuluy-tuloy ang pag-po-proseso ng ICAB ng mga batang legally free for adoption. Ibig sabihin nito, ang mga batang iniwan sa bahay ampunan sa Pilipinas, o di kaya’y inabandona ng kanilang mga kaanak ay uumpisahan nang iproseso upang sila’y maging available for adoption. Kapag natapos ang medical check-up, evaluation at child study report, sila’y ilalagay sa roster of children for adoption. Sa listahang ito kukuha ng mga batang maaaring i-adopt.







Isang paunawa para sa mga foreigners na nais mag-adopt ng mga Pilipino:



* Mahigpit ang US Immigration sa mga adoption na ang layunin ay ang iwasan at paikutan lamang ang kanilang immigration laws.



* Hindi pumapayag ang US Immigration na ipasok ng mga dating Filipino citizens ang kanilang mga kamag-anak o kaya’y malalayong kamag-anak na kanilang inampon kung ang mga bata ay hindi ULILANG LUBOS. Kung may buhay pang magulang ang mga kaanak ninyo, kahit na kayo pa ang nagpalaki sa kanila, hindi papayag ang US Immigration na ipasok sa USA ang mga batang ito. Kailangan pa rin silang dumaan sa immigration process.



*Ang bansang Japan ay hindi signatory sa Hague Convention on InterCountry Adoption. Dahil dito, walang Inter-country Adoption Board sa Japan. Mayroon silang tanggapan na ang tawag ay International Social Services. Dito ipo-proseso ang mga foreign adoption ng mga Japanese nationals. Mayroon ding Memorandum of Agreement sa pagitan ng bansang Hapon at ng ating Department of Foreign Affairs. Ang lahat ng documentation sa bansang Hapon ay gagawin ng Social Work Services nila. Sila din ang mag-susumite nito sa ICAB dito sa Pilipinas.



So suriin natin:



Dati kang Pilipino, ikaw ngayon ay US Citizen na. Nakapag-asawa ka din ng isang US Citzen. Puede ba kayong mag-ampon ng anak sa pagka-dalaga o sa pagka-binata noong dating Pilipino? Oo, provided na approved ang biological father or mother ng bata na nandito sa Pilipinas.



Dati kang Pilipino, ikaw ngayon ay US Citizen na. Puede mo bang ampunin ang iyong malayong kamag-anak? O di kaya’y pamangkin? Oo, provided na ang bata ay ulila na. Kung hindi, maaaring legal ang adoption mo sa Pilipinas, pero hindi mo maipapasok ang bata sa US bilang immigrant.



Dati kang Pilipino, ikaw ngayon ay US Citizen na, hindi kayo mag-ka-anak ng iyong foreigner na asawa, nais ninyong mag-ampon ng bata mula sa bahay ampunan sa Pilipinas, maaari ba kayong basta pumunta sa Pilipinas, maghanap ng cute na bata sa isang bahay ampunan at mag-file ng Petition for Adoption? Hindi. Dahil sa kayo’y foreigners na ang turing sa ilalim ng batas, doon kayo sa inyong home country, sa US, mag-uumpisa ng proseso ng pag-a-ampon. Dadaan kayo sa ICAB sa Pilipinas, at ICAB ang hahanap ng batang ima-match sa inyo.



I hope na naliwanagan kayo sa article na ito patungkol sa adoption ng mga foreign parents ng mga batang Pilipino.


1 person likes this

About the author

Adelaimar C Arias-Jose

I am a graduate of the UP College of Law. Member of the Integrated Bar of the Philippines since 1995. I am currently involved in private practice in criminal, civil and labor law.
Profession: Lawyer
Adelaimar C. Arias-Jose
Office Address: #34 St. Michael Street
Philippines , Manila , Makati

 

This post has been closed for comments and replies. To ask a related or new question, please post a new question below.

Disclaimer: The materials available in the Buhay OFW web site are for informational purposes and not for the purpose of providing legal advice. You should contact your attorney to obtain advice with respect to any particular issue or problem. Use of and access to this Web site or any of the e-mail links contained within the site do not create an attorney-client relationship between Buhay OFW and the user or browser.

If you are a legal expert who would like to help answer questions, please register here.