Kung ang isang aplikante ay papalarin na makahanap ng trabaho sa UAE, importante na alam natin ang mga batas o “Rules and Regulations” ika nga. Sa oras na ikaw ay matanggap sa trabaho, kasunod nito ay ang pagkuha ng employer sa dokumento ng aplikante. Ito kasi ang mga kakailanganin para ma-proseso ang employment o working visa. Ang pagkuha nito ay kadalasang isang linggo lamang. Sa ibang kumpanya, dalawa o tatlong araw lang ay mayroon na. Nagkakaroon lang naman ng pagtatagal ay kung may mga kulang sa dokumento, my problema o kaso ang kumpanya sa Ministry of labour o wala pang quota para sa bagong empleyado.
Maaari ba na magsimula na sa trabaho habang naghihintay ng employment visa?
Hindi ito maaari dahil ito ay illegal at ikinukunsidarang “criminal offense” sa UAE. Ayon sa batas, ang maaari lamang magtrabaho ay yung mayroon employment contract o visa na inaprubahan ng Ministry of Labour o Free Zone Authority. Ibig sabihin, hangga’t wala pang employment visa ang isang aplikante, hindi pa ito maaaring magsimula sa trabaho dahil ito ay hindi pa ganap na empleyado ng kumpanya.
Ano ang penalty o mangyayari kung ikaw ay mahuhuli na nagtatrabaho ng wala pang employment visa?
Maraming mga employer ang matitigas ang ulo at hindi sumusunod. Ito ay madalas na kalakaran sa mga kumpanyang may mga problema sa labour at sa budget (Kailangan gumastos para sa employment visa). Minsan, ay kailangan na nilang magsimula ang aplikante sa trabaho agad-agad habang naghihintay ng employment visa. Ngunit ito ay isang “risk” para sa employer at sa aplikante. Kung ang employer ay mahuhuli at mapapatunayan na nagkasala, maaaring magkaroon ng fine o penalty na 50,000 dirhams ayon sa balita. Ito ay parehas sa indibidwal na nagtatrabaho ng walang visa. Magkakaroon ng fine, maaaring ma-deport at higit sa lahat ay magkaroon ng permanent ban at hindi na makabalik sa UAE.
Paano kung hindi naman mahuhuli? Ano pa ang ibang “disadvantages”?
Kung ikaw ay hindi mahuhuli, hindi ibig sabihin ay ligtas o dapat maging kampante ka na. Tandaan na dahil ito ay isang illegal na gawain, ano man ang maging problema mo sa kumpanya katulad ng hindi tamang pasahod o iba pang maling trato ng employer, hindi ka maaaring makapagreklamo sa labour dahil una sa lahat, ikaw ay nagtatrabaho ng walang employment visa at walang proteksyon. Ito din ay magdudulot ng “stress” o palaging kakabahan dahil oras na may mag-inspeksyon sa trabaho at nalaman na ikaw ay walang visa, ikaw ay makukulong.
Ang isang kumpanya na may maayos na sistema ay hindi ka hahayaan na magtrabaho hanggang wala pa ang employment visa. Marami ang mga kaso na nagtatrabaho at naka-visit visa lang. Nag-eexit ng ilang beses at bumabalik ng naka- visit visa pa rin. Sa ibang kumpanya, sinasagot nila lahat ng gastos ng empleyado ngunit sa iba ay hindi. Kung nais na magkaroon ng maayos na trabaho sa UAE, importanteng ipaalam sa papasukang kumpanya na maaari ka lamang magsimula sa trabaho kung ito ay dadaan sa tamang proseso at makakapagbigay sila ng visa. Dito mo rin malalaman kung ang kumpanya ay maayos at sumusunod sa batas.