By Dr. Elvie Victonette B. Razon-Gonzalez
Isa pinakamabilis na dumadami na cancer sa buong mundo ay ang colon cancer. Sina Cory Aquino, Rio Diaz, Charlie Davao, Audrey Hepburn ay ilan lamang sa mga personalidad na nagkaroon nito. Tinatayang isang milyong katao ang nagkakaroon nito taon-taon.
Ang mga risk factors ng pagkakaroon ng colon cancer ay katandaan, kasarian (lalaki), pagkakaroon ng kuntil o polyp sa colon, pagkain ng mga karne at mataas sa kolesterol na pagkain, low fiber diet ohindi pagkain ng gulay o prutas, katabaan, kulang sa ehersisyo, paninigarilyo at pag-inom ng alak. Bukod dito, may mga sakit na maaaring magpataas ng tsansa ng pagkakaroon nito. Ito ay ang mga polyposis at non-polyposis syndromes katulad ng Lynch syndrome o hereditary non-polyposis CRC, familial adenomatous polyposis at MYH-associated polyposis. Ang pagkakaroon din ng inflammatory bowel disease ay nakapagtataas din ng tsansa ng pagkakaroon nito.
Bukod sa pagbabawas ng timbang, pag-ehersisyo, pagkain ng gulay at prutas, pagtigil sa paninigarilyo at alak, napakahalaga ng screening sa colon cancer. Layunin nito na ma-detect ang mga pre-malignant na kundisyon sa colon tulad ng kuntil upang matanggal ito agad at maiwasang lumaki at maging ganap na bukol at cancer.
Ang mga karaniwang screening test sa colon cancer ay ang fecal occult blood test (FOBT), flexible sigmoidoscopy at colonoscopy. Sa tatlo, ang colonoscopy ang pinakapopular. May ipinapasok na aparato sa tumbong na may kamera sa dulo at ipinapasok ito nang isang metro upang maeksamin ang loob ng colon.
Ginagawa ang colonoscopy every 10 years, simula 50 years old. Ang isang alternatibo ay flexible sigmoidoscopy every 5 to 10 years o CT colonography every 5 years. Kapag ikaw naman ay may kamag-anak na may colon cancer, ito ay ginagawa tuwing 5 years simula 40 years old o 10 years na mas maaga kaysa sa pinakabatang nagkaroon nito sa pamilya.
Kung ikaw ay mas matanda sa 50 years old, kumonsulta sa gastroenterologist upang sumailalim ng colonoscopy upang maiwasan ang pagkakaroon ng nakamamatay na colon cancer.