Ang pag-abuno ng dugo (pagsalin ng dugo o blood transfusion) ay nangyayari kapag ang dugo o ang ilan sa mga parte o komposisyon nito ay inaabuno direkta sa ating mga ugat o “bloodstream”. Nagagawa ito sa pamamagitan ng maliit na tubo (cannula), kung saan nilalagay ito sa ugat, karaniwan sa iyong mga kamay o mga braso.
Ang iyong doktor ay karaniwang nagrerekomenda na ikaw ay magkakaroon lamang ng pagsasalin sa dugo (blood transfusion) kapag ikaw ay kulang sa dugo o kaya’y kulang ka sa mga parte nito. Ang pinaka-karaniwang rason ng pagkakaroon ng “blood transfusion ay upang mapalitan ang dugong nawala sa panahon ng malalaking operasyon o mula sa malaking pinsala sa katawan. Minsan, ikaw ay aabunuhan ng dugo upang malunasan ang malubhang anemia.
Ang dugo ay binibigay sa iyo gamit ang manipis na plastic na tubo na tinatawa na “cannula”. Ito ay tinutusok sa isang ugat sa iyong braso at kinokonekta ito sa isang “drip” kung tawagin na siyang nagko-kontrol sa patak ng dugo patungo sa katawan. Tumatagal ng hanggang apat na oras upang ang isang bag ng dugo ay ma-transfuse. Subalit, pwede mo itong ibigay sa mas kaunting oras kung kinakailangan. Habang nagbo-“blood transfusion”, ikaw ay maaaring magkaroon ng kaunting lagnat, panginginig o kaya’y mga pantal. Kung ito ay mangyari, ang nars ay maaari kang bigyan ng paracetamol at “antihistamine”. Subalit, ang iyo ring nars ay maaaring hinaan ang daloy ng dugo o kaya naman ay ititigil muna ang pag-aabuno.
Ang pinakamalaking panganib habang nag-aabuno ng dugo ay ang tsansa na maibigay ang hindi wastong klase ng dugo ngunit hindi ito malimit mangyari. Bago ka sasailalim sa “blood transfusion”, ikaw ay magkakaroon muna ng “blood tests” upang matukoy ang iyong “blood type”. Ito rin ay sasailalim sa “cross-matching” o paraan ng pagkuha ng sample ng dugo ng pasyente at ite-“test” ito kasama ng angkop na “donated blood”. At agad-agad, bago magsimula ang “blood transfusion”, ang iyong doktor o nars ay iche-check muna ang mga detalye tungkol sa iyo at sisiguraduhing makukuha mo ang wastong dugo na angkop para sa iyo.
Ang panganib na makakuha naman ng nakakahawang sakit mula sa “blood transfusion” ay maliit lamang. Lahat ng mga “blood donors” o siyang nagbibigay ng dugo ay maingat na pinipili upang masiguradong ang dugong kanilang ibibigay ay ligtas sa anumang karamdaman. Lahat ng donasyon na dugo ay isinasailalim sa test mula sa nakakahawang mga sakit tulad ng hepatitis B, hepatitis C at HIV bago ito pwede nang magamit.
Mayroon pang ibang mga panganib na maaaring dala ang “blood transfusion”, na nagde-depende sa iyong personal na kalusugan. Tanungin ang iyong doktor ukol sa mga impormasyon dito at hilingin na ipaliwanag ang mga ito sa iyo.