Kung ikaw ay may anemia, wala namang partikular na mga pagkain na dapat mong iwasan sa kabuuan. Subalit, subukang limitahan lamang ang pagkain o pag-inom ng tsaa, kape at alak, kung maaari.
Ang pangunahing mga “nutrients” na iyong kailangan upang makagawa ng malusog na red blood cells at “hemoglobin” na siyang nagdadala ng oxygen sa dugo, ay mula sa iron, vitamin B12 at folate. Ang malusog at balanseng diet ay nagbibigay ng sapat na “essential nutrients”. Subalit, mayroong mga partikular na bagay sa ibang mga pagkain na pumipigil sa absorpsyon ng iron. Halimbawa nito ay ang “phenols” na makukuha sa tsaa at kape na pumipigil sa iyo sa pag-absorb ng iron. Kaya naman, kung posible ay kaunti lamang dapat ang pag-inom ng mga ito.
Ang vitamin C sa kabilang banda, ay tumutulong sa absorpsyon ng mas maraming iron. Kaya naman kumain ng pagkain na maraming vitamin C upang makakuha ng mas maraming iron mula sa iyong kinakain. Halimbawa, uminom ng preskong orange juice kasabay ng iyong pagkain o kumain ng “fruit dessert”.
Kung ikaw ay may namanang kondisyon na tinatawag na “G6PD deficiency” at kumakain ka ng “fava beans”, maaari itong magdulot ng biglaan at malubhang anemia. Ang “Fave beans” ay nagdudulot ng pagsira ng iyong red blood cells nang mas mabilis, na nagreresulta sa malubhang anemia at paninilaw ng puti ng mga mata o “jaundice”. Kaya naman kung mayroon kang kondisyon na ito, i-check muna ang mga sangkap ng iyong kinakain upang masiguradong hindi ito naglalaman ng “fava beans".