Paltos sa balat: Mabisang lunas at gamot, sanhi mahapdi kiskis

Dr. Jen Cruz
is a Medical expert in United States

Pangkaraniwan ang pagkakaroon ng paltos sa bahagi ng ating balat na nakakaranas ng sobrang pagkakakiskis sa iba pang bahagi ng ating balat o di kaya'y sa mga sinusuot natin. Nakakainis ang magkaroon ng paltos dahil masakit at mahapdi ito. Madalas ay kusa na lamang itong gumagaling kahit hindi lagyan ng gamot ngunit may ilan namang nakararanas ng pagkakapaltos mula sa iba pang sakit sa balat. Kung isa ka sa nakakaranas ng ganitong kundisyon at nagkakaroon ng paltos sa di malamang dahilan, makakabuting ipatingin na ito agad sa doktor.

Paltos pasa maselan balat kiskis mabisang gamot

Ang paltos o kung tawagin ng mga propesyonal sa medesina ay vesicle, ay bahagi ng balat na umaangat mula sa dati nitong porma dahil nagkakaroon ng tubig sa loob. Madalas itong maranasan sa paa dahil sa mga hindi komportableng sapatos. Kapag nasobrahan sa pagkikiskisan ang iyong balat at sapatos, lumilikha ito ng paltos.

Kapag alam mo kung saan nagmula ang iyong paltos, madali lamang itong solusyonan. Kakailanganin mo lamang ng benda na ilalagay sa paltos upang hindi na kumiskis pa ang iyong paltos, at para narin mapigilan ang patuloy na paghapdi.


Sanhi ng Paltos

Narito ang sanhi kung bakit nagkakaroon ng paltos:

· Pagkakakiskis ng balat - Kapag matagal na nagkikiskisan ang mga balat natin o ang balat at sinusuot na sapatos at iba pang kasuotan, malaki ang posibilidad na magkapaltos sa paa o minsan pa nga ay sa kamay.

· Contact Dermatitis - Reaksyon ng balat mula sa alerhiya. Nagdudulot ito ng pamumula at pagkakapaltos ng balat.

· Sunog sa balat - Nagdudulot rin ng pamamaltos ang malubhang pagkakasunog. Halimbawa nito ay sunog ng araw sa balat, o kaya naman ay dahil sa mga kemikal na dumidikit sa balat.

· Allergic eczema - Kundisyon ng balat na nagmumula o di kaya ay pinalalala ng mga alerhiya na nagriresulta rin sa pamamaltos. Ang isa pang uri ng eczema na madaling makuha at mawala ay ang dyshidrotic eczema na nagdudulot rin ng pamamaltos.


Ang pamamaltos ay maaari ring sintomas ng impeksyon.

· Singaw sa balat - Impeksyon sa balat na mula sa bakterya. Ang pamamaltos ay isa sa mga sintomas nito. Mapamatanda o bata ay maaaring tamaan nito. Minsan, mapapansin ito kapag mayroon nang malubhang impeksyon.

· Bulutong - Isa ring impeksyon. Ang itsura nito ay makakating bilug-bilog sa balat at paltus-paltos na dulot ng virus.

· Shingles, o herpes zoster, ay dulot ng kaparehong virus na nagdadala ng bulutong. Mararanasan ito minsan lamang sa buong buhay ng tao. Mapapansin ang pamamantal at pamamaltos ng balat sa panahong ito.

· Herpes - kasama nito ang herpes I at herper II (na nagdudulot ng genital herpes). Nagdudulot rin ito ng paltos.

· Erisipelas ay impeksyon na may sintomas ring pamamaltos dahil sa grupo ng bakterya na kung tawagin ay Streptococcus.

Gaya ng nabanggit kanina, ang pamamaltos ay minsan dahil sa mga sakit sa balat at karamihan sa ito ay di maipaliwanag ang dahilan. Narito ang ilan sa mga sakit sa balat na nagdudulot ng pamamaltos:

· porphyrias

· pemphigus

· dermatitis herpetiformis

· epidermolysis bullosa


Mga Lunas para sa Paltos

Huwag na huwag puputukin ng kung anong matulis na bagay ang paltos. Sa halip, hayaan na lamang ito. Kung ang dahilan ng pamamaltos ay ang pagkakakiskis ng balat, alerhiya, o pagkasunog sa araw, mas maiging hayaan na lamang ito dahil hindi ito magtatagal at kusang gagaling.

Sa maagang bahagi pa lamang, pumunta na sa doktor kung sakaling hindi ka sigurado sa sanhi ng iyong pamamaltos. Ito ay para na rin maresitahan ng tamang gamot para sa pamamaltos at sanhi ng pamamaltos. Para sa mga impeksyon, kinakailangang gamutin ito ng nararapat na gamot bagamat hindi ito nagtatagal.

Para naman sa mga paltos na dulot ng mga pambihirang sakit sa balat tulad ng pemphigus na maaaring wala ng lunas, maaari pa rin namang kumonsulta at magpatulong sa doktor kung papaanong mas magiging madali ang pagpigil sa mga sintomas nito. Isa na nga rito ang pamamaltos. Maaaring ireseta ng doktor ang mga steroid creams para hindi sumakit ang paltos at antibiotics para naman sa impeksyon sa balat.


Babala tungkol sa Paltos

Hindi naman nakamamatay ang pamamaltos. Kadalasaan ay kung gaano kabilis kang nagkapaltos ay kasing bilis din ang paggaling nito. Kaya nga lang, napakahapdi talaga nito. Para sa mga pambihirang sakit sa balat, ang kadalasang bilis ng epekto ng lunas ay nakadepende sa kaniya-kaniyang kalagayan.


Pagpigil sa Pagkakaroon ng Paltos dahil sa Pagkikiskis


Ang pagkakakiskis ng balat ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng paltos lalo na sa paa dahil sa suot na sapatos. Ugaliin na lamang na magsuot ng sapatos na komportable at tama ang sukat para sa iyong paa. Kung kinakailangan namang maglakad ng medyo matagal, magsuot ng makakapal na medyas upang mabawasan ang pagkakakiskis ng balat. Kung may nararamdamang hapdi na senyales ng pag-uumpisa ng paltos, agad itong takpan ng benda.

About the author

Dr. Jen Cruz

U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco

The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately.

 

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)