Ang sunog ay maaaring mangyari sa kahit na anong oras o pagkakataon na siyang nakapagdudulot ng panganib sa kalusugan at buhay ng mga taong naapektuhan nito. Bukod sa pinsala sa ari-arian na siyang karaniwang pinangangambahan ng mga biktima ng sunog, maaari ring magdulot ng matinding panganib ang mga paso at sugat na natamo mula sa sunog depende sa laki at kalubhaan nito. Sa katunayan, ang pinsala dulot ng sunog ay isa sa mga malulubhang suliraning pangkalusugan datapwa't madali rin naman itong maiwasan kung magkakaroon ng sapat na kaalaman ang mga mamamayan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 265 000 pagkamatay dulot ng sunog ang naitala, hindi pa kasama rito ang pagkamatay dahil sa banli (scald) at iba pang uri ng burn injury gaya ng electrical burn. Sa kabakilang dako, ang mga biktimang pinalad na mabuhay ay maaari namang makaranas ng kapansanang nakaaapekto sa kakayahan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Dahil dito, makatutulong ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa burn injury gaya ng iba't ibang uri nito at kung ano ang dapat na ilapat na paunang lunas upang maiwasang malagay sa peligro ang buhay ng biktima.
Ang unang uri ng burn injury ay ang thermal burns dulot ng matinding init. Ang ilan sa sanhi nito ay ang pagningas o pagsabog ng natural gas, propane, gasoline at iba pang likidong madaling pagsimulan ng apoy (flammable liquid), sunog, banli dahil sa kumukulong tubig o mantika at pagdikit sa mga maiinit na bagay gaya ng bakal, plastic o uling. Ang iba pang uri ng burn injury ay ang chemical burns dulot ng asido o ibang alkali na kemikal; electrical burns na resulta ng pagtama ng kidlat o pagdikit sa mga bagay na may mataas na boltahe; at radiological burn.
Ngayong alam na natin ang iba't ibang uri ng burn injury, makatutulong kung malalaman natin kung paaano maiiwasan ang paglubha nito sa pamamagitan ng paglapat ng paunang lunas. Ang unang dapat gawin ay alisin ang sanhi. Halimbawa, kung nakikitang may apoy, apulahin ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig o pagtatakip gamit ang kumot. Kapag naman nasusunog ang damit ng biktima, iwasang tumakbo, sa halip, gawin ang STOP-DROP-ROLL. Ito ay nangangahulugang ang biktima ay dapat na tumigil (STOP), humiga sa lapag (DROP) at gumulong (ROLL). Sa kabilang dako, kapag naman ang biktima ay nabanlian, buhusan ng malamig na tubig ang bahagi ng katawang nabanlian. Dapat tandaang, hindi dapat ito lagyan ng yelo gaya ng nakagawian ng marami. Panghuli, kapag hindi kayang gamutin sa bahay ang mga paso at sunog, nararapat na dalhin kaagad sa ospital ang biktima.