DEHYDRATION O NAUBUSAN NG TUBIG SA KATAWAN: LUNAS, SANHI, SINTOMAS

Dr. Ed Santos
is a Medical expert in Saudi Arabia

Ano ang Dehydration?


Ang ating katawan ay binubuo ng maraming tubig at kapag uminit ang panahon, sinusubukan ng katawan na panatilihing presko ang ating sarili sa pamamagitan ng pagpapawis. Ngunit maaaring mawalan ng tubig at fluids ang ating katawan dahil sa sobrang pagpapawis. Kapag hindi napalitan ang mga nawalang fluids sa katawan, mangyayari ang dehydration. Kailangan ng ating katawan ang sapat na dami ng tubig, electrolytes at iba pang fluids para magawa ang normal na tungkulin ng katawan. Kailangan ng katawan ang tubig para panatilihin ang normal na lebel ng body fluids, blood volume at blood pressure.


Marami ang sanhi ng dehydration kagaya ng matinding pag-ehersisyo, mainit na panahon, pagtatae, pagsusuka, lagnat o kaya matinding pagpapawis. Nawawalan tayo ng fluids kapag gumagawa ng matinding trabaho, nage-ehersisyo o kahit mga simpleng gawain kagaya ng paglalakad, pagbibisikleta at iba pa. Pwede ding mawalan ng fluids at madehydrate kapag mainit ang panahon. Kahit na sino pwedeng ma-dehydrate, pero mas mataas ang panganib na makaranas nito ang mga bata at nakatatanda.







Mga Sintomas ng Dehydration

Kadalasang walang sintomas at sinyales sa umpisa ng pagkaranas ng dehydration, ngunit maaaring maranasan ang panunuyo ng bibig at pagka-uhaw. Ang mga sumusunod ang sintomas ng maagang antas ng dehydration:

- Pananakit ng ulo

- Panunuyo ng balat

- Madalang na pag-ihi kumpara sa normal na pag-ihi

- Pagkapagod

- Pagkahilo

- Pagkakaroon ng crams ng braso at binti


Sa paglala ng dehydration, mararanasan ang mga sumusunod:

- Matinding pagka-uhaw at tuyong-tuyo na bibig at dila

- Mabilis na pulso

- Maitim at madilaw na ihi

- Kaunti o walang ihi

- Paglubog ng mga mata

- Sa mga sanggol, paglubog ng bumbunan

- Balat na nawalan ng elasticity at hindi bumabalik sa normal na position matapos kurutin

- Kawalan ng luha kapag umiiyak

- Pagka-irita at pagka-antok

- Hindi makatwiran na pag-uugali


Kapag mainit at humid ang panahon, mas mataas ang panganib ng dehydration at iba pang karamdamang dulot ng init kagaya ng cramps, heat exhaustion at heat stroke. Sa mga malalang sitwasyon, ang dehydration at heat stroke ay maaaring magdulot ng shock at pwede ring nakamamatay.


Lunas sa Dehydration sa Mainit na Panahon


Tubig ang pangunahing lunas sa dehydration sa mainit na panahon. Kailangang mabigyan ng tubig ang katawan para labanan ang epekto ng init ng panahon sa kahit ano pang lebel ng gawain. Ang pag-inom ng tubig ay tumutulong sa pagbaba ng temperatura ng katawan at pinapalitan ang mga nawalang fluids dahil sa pagpapawis. Dapat makainom ng tubig bago pa umabot sa puntong nauuhaw.


Hindi maiging kapalit ng tubig ang mga softdrinks, kape at mga inuming may alcohol. Kahit na naglalaman ang mga ito ng tubig, may mga sangkap ito na nagdudulot ng dehydration. Ang mga energy drink ay hindi magandang rehydration fluid dahil may laman itong caffeine at iba pang sangkap na stimulants.


Ang mga sports drinks kagaya ng Gatorade ay may sangkap na electrolytes na nakakatulong palitan ang mga nawalang fluids sa katawan habang mainit ang panahon. Dapat din painumin ng tubig ang mga bata bago maglaro, habang naglalaro at pagkatapos maglaro habang mainit ang panahon.


Mga Pangunang Lunas

Kapag ang isang tao ay may nanunuyo at mapulang balat, mabilis na pulso, nalilito at nahihibang at sobrang init ang pakiramdam, nasa delikadong kalagayan ito at kailangan kaagad ng medical attention. Gawin din ang mga nabanggit na hakbang para tulungan agapan ang dehydration.


Pag-iwas sa Dehydration sa Mainit na Panahon


Dapat madalas uminom ng tubig kahit hindi nauuhaw. Makatutulong din ang mga sumusunod para maiwasan ang dehydration:

· Iwasan ang araw sa tanghaling tapat. Magehersisyo ng maaga sa umaga o sa gabi.


· Gumamit ng sunscreen at sombrero na matatakpan ang ulo, leeg, tainga at mukha. Pinipigilan ng sunburn na palamigin ng katawan ang sarili ng maigi.


· Gumamit ng manipis at maluwag na kadamitan. Presko ito sa katawan at tumutulong matuyo ang pawis


· Iwasan ang maiitim o madilim na damit dahil dumidikit ang init dito.


About the author

Dr. Ed Santos

My uncles and aunts were pediatricians and family physicians, so I had an inkling that I would do primary care. So at a young age, I dreamt of becoming a physician.
Profession: Family Medicine
Saudi Arabia , Jeddah

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.