Taginit: Karaniwang Karamdaman, Sumisingaw lupa, nakakatunaw init

Dr. Jen Cruz
is a Medical expert in United States

Karaniwang Karamdaman Tuwing Tag-init


Ang tag-init ay panahon ng pagsasaya sa labas ng ating mga tahanan. Kabilang dito ang pagpunta sa tabing-dagat, pag-akyat sa bundok at paggawa ng iba't ibang bagay na tuwing sa panahon lang ng tag-init natin maaaring gawin. Subalit kaakibat ng ating pagsasaya ay ang ilang mga karamdaman kapag tayo'y hindi nag-ingat.


Una, sa panahong ito, mas malaki ang posibilidad na kagatin tayo ng insekto gaya ng bubuyog, putakti (wasp), langgam at gagamba na matatagpuan sa mga lugar na ating pinupuntahan. Ang ilan sa mga sintomas nito ay pangangati, pamamaga at pananakit ng bahagi ng katawang nakagat subalit maaari ring makaranas ng kulani (swollen lymph node), lagnat at pangangati ng buong katawan.


Pangalawa, karaniwan din ang pagkakaroon ng sunburn dulot ng matagal na pagbibilad sa araw. Upang maiwasan ang pagkakaroon nito, makatutulong ang paglalagay ng sunblock sa balat na hindi bababa sa SPF 15 at ang pag-iwas sa pagbibilad sa ilalim ng sikat ng araw mula alas-11 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Kapag naman nagkaroon ng sunburn, paliguan ang katawan ng malamig na tubig at maglagay ng cool compress at aloe gel. Maaari ring uminom ng gamot gaya ng acetaminophen upang mabawasan ang hapdi o sakit.


Pangatlo, karaniwan ding nagiging sanhi ng karamdaman ang mga aksidente dulot ng mga gawain natin sa panahon ng tag-init. Isa na rito ang pinsala dulot ng paggagapas (mow) at pamamangka o ang pagkalason dahil sa maling preparasyon ng mga pagkaing hinahanda sa isang pagtitipon o salu-salo. Upang maiwasan ang pagkalason, ipinapayo ng U.S. Department of Agriculture na panatilihin ang kalinisan sa tuwing maghahanda ng pagkain, ihiwalay ang hilaw na karne, lutuin ng mabuti ang mga pagkain at ilagay sa refrigerator o lalagyanang may yelo kung hindi pa ito kakainin.


Panghuli, ang init ng panahon ay maaari ring makapagdulot ng pag-atake ng hika at matinding pagtaas ng temperatura ng katawan ng isang tao (heat exhaustion at heat stroke). Ang pag-atake ng hika ay dahil kaugnay ng mainit na panahon ay ang polusyon sa hangin, mataas na lebel ng pollen at pagdami ng amag (mold) dahil sa maalinsangang panahon. Sa kabilang dako, ang katandaan, pagkakaroon ng malubhang sakit sa puso, labis na katabaan at pag-inom ng gamot para sa altapresyon ay nagreresulta sa mabilis na pagtaas ng temperatura.



Tunay ngang nakasisiya ang panahon ng tag-init sapagkat dito natin nagagawa ang mga kinahihiligan nating gawin at dito tayo nagkakaroon ng oras upang makasama natin ang ating pamilya. Kailangan lamang nating tandaan na dapat tayong mag-ingat at huwag maging pabaya sa ating kalusugan.

About the author

Dr. Jen Cruz

U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco

The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately.

 

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)