PAANO MAGING MATAGUMPAY SA PAGPAPASUSO

Medical Team
is a Medical expert in United States

Paano ako dapat maghanda para sa pagpapasuso?




Mag-alam ng pinakamaraming kayang alamin tungkol sa pagpapasuso bago ka pa man manganak. Makipag-usap sa iba pang nagpapasusong ina, magbasa ng mga libro upang madagdagan ang iyong kaalaman, at isaalang-alang ang pagdalo sa mga pag-aaral tungkol sa pagpapasuso (na inaalok ng ilang ospital at health center) sa pahuling bahagi ng iyong pagbubuntis. Mas marami ang iyong nalalaman tungkol sa kung paanong magsisimula at mga pakinabang ng pagpapasuso, mas malamang na magtagumpay ka rito.

Isipin mo man o hindi, naghahanda ang iyong nagdadalantaong katawan para sa pagpapasuso. Iyon ay isa sa mga dahilan kung bakit lumalaki ang iyong mga suso sa panahon ng iyong pagbubuntis. Nagdedebelop ang iyong mga daluyan ng gatas at mga selyulang lumilikha ng gatas, at mas maraming dugo ang dumadaloy sa iyong mga suso kaysa dati. (Mag-alam ng higit pa tungkol sa kung paanong lumilikha ng gatas ang iyong mga suso.) Subalit walang kinalaman ang laki o liit ng suso sa kakayahang magpasuso nang matagumpay: Halimbawa, hindi totoong mas kaunting gatas ang nagagawa ng mga kababaihang may mas maliit na suso.

Kailangan ko bang patatagin ang mga utong ko?

Hindi. Sapat nang paghahanda para sa karamihan ng mga babae ang mga pagbabago sa hormones na dinadala ng pagbubuntis sa iyong mga suso. Huwag kuskusin ang iyong mga suso – masasaktan ka lang at magiging mahirap ang pagpapasuso. Ang pagtuturo sa iyong anak na sanggol ng tamang paraan ng paghakab sa iyong suso ang pinakaepektibong paraan upang iwasan ang pagkasugat nito.

Mamuhunan sa ilang damit na pampasuso.

·       Hindi mo kailangang magkaroon ng mga nursing bra upang makapagpasuso, ngunit mas magiging komportable at madali ang pagpapasuso kung mayroon ka nito. Mas magiging madaling magpasuso dahil sa mga takip na madaling buksan mula sa ibabaw. Tandaan mo lang na lalaki ang iyong mga suso habang napupuno ang mga ito ng gatas, kaya’t huwag bilhin ang iyong mga bra sa sukat ng iyong mga suso bago ka mabuntis. Hintayin muna ang paglapit ng iyong panganganak, o kahit pagkatapos mong manganak bago mo pagkagastusan ito. Pinipili ng ilang kababaihang mamuhunan din sa mga damit na nagpapahintulot sa kanilang magpasuso nang hindi gaanong kapansin-pansin.

·       Napakahalaga at nakakapagligtas ng kasuotan ang mga nursing pad na isinisingit sa iyong bra. Maaari kang gumamit ng disposable o isahang gamit na mga pad o mamuhuhnan sa ilang pwedeng labhan. Karaniwan lamang na tumulo ang gatas mula sa iyong suso, na mabilis na makakabasa ng karaniwang bra at damit.

·       Upang mas maging komportable ang pagpapasuso habang nakaupo, madalas na inirerekomendang mamuhunan ang mga ina sa nursing pillow o unan para sa pagpapasuso o gumamit ng makapal na unan na ilalagay sa ilalim ng kanilang pinangsusuportang braso. Ang mga unan para sa pagpapasuso ay karaniwang may korteng letrang C upang magkasya sa iyong baywang at suportahan ang iyong mga siko, kasama ng katawan ng sanggol sa harapan.

·       Isaalang-alang ang pagbili o pag-upa ng breast pump, lalo na kung babalik ka sa trabaho sa loob ng ilang linggo. Tumatagal ng ilang panahon bago masanay dito, at ang pagkakaroon ng breast pump ay magpapahintulot sa iyong mag-pump at mag-imbak ng gatas habang nag-iipon ka ng suplay para sa iyong sanggol.

Mga Kailangang Tandaang Tungkol sa Pagpapasuso

Magandang ideyang subukang magpasuso sa ospital sa lalong madaling panahon, na mas mainam kung mayroong nars o lactation consultant sa tabi. Bagama’t likas na sa mga bagong silang na sanggol ang pagsuso, maaaring kailanganin ng ilang pasubok bago makuha ang tamang pagpupuwesto ng kaniyang mga labi sa iyong utong (na tinatawag bilang paghakab).  Maaaring dumulas ang utong sa bunganga ng sanggol, maaaring hindi niya alam kung ano ang gagawin sa malaking bagay na nasa kaniyang harapan at siya’y umiyak, o maaaring masyado lang siyang inaantok mula sa proseso ng pagsilang.

Huwag kang masiraan ng loob. Matutulungan ka ng mga nars at lactation consultant na iposisyon siya nang maayos. At kahit pa hindi mo ito makuha nang tama sa loob ng ilang oras (o sa loob ng isang buong araw!), hindi magugutom ang iyong anak. Ipinanganak siya nang may labis na nakaimbak na enerhiya upang tulungan siyang makaigpaw sa yugtong ito.

Paghawak sa Iyong Sanggol

Mayroong higit sa isang paraan para pasusuhin ang isang sanggol, subalit ang pinakamaganda ay ang pinakakomportable para sa inyong dalawa. Narito ang tatlong madadaling paraan upang hawakan ang sanggol. Matutulungan ka rin ng mga unan para sa pagpapasuso at maingat na nakatiklop na kumot at tuwalya upang itaas ang sanggol sa komportableng posisyon.

Ang Cradle Hold

Ihiga ang sanggol nang pahalang sa iyong tiyan, gamit ang isang kamat upang suportahan ang kaniyang ulo at ang kabila para sa kaniyang puwit. Tiyaking pantay ang lebel ng kaniyang buong katawan, at nakaharap ang kabuuan nito sa iyo (hindi ang ulo lamang).

Ang Football Hold

Ilagay ang sanggol sa iyong tabihan nang nakataas ang mukha at nakapatayo. Ihiga siya sa iyong braso at alalayan ang kaniyang ulo sa iyong suso. Kung sumailalim ka sa c-section, maaaring mas maging komportable para sa iyo ang paraan ng pagpapasuso na ito.

Ang Lying-Down Hold

Ihiga ang sanggol nang katabi mo sa kama, habang ikaw ay nakahiga sa iyong kanan, at siya ay nakahiga sa kaniyang kaliwang tagiliran. Dapat kapantay o mas mababa nang kaunti ang kaniyang bunganga sa iyong mga utong. Gamit ang iyong libreng kamay, isaayos ang bunganga ng sanggol tungo sa utong na pinakamalapit sa kama, at gamitin ang kabilang braso mo upang suportahan ang kaniyang katawan mula sa kaniyang likod.

Oras ng Pagpapasuso para sa Mga Bagong Silang na Sanggol

Kada dalawang oras o tuwing iiyak siya, ilagay sa iyong suso ang sanggol upang sipsipin niya ang mga ito. Upang tulungan siyang malaman kung saan nagmumula ang kaniyang pagkain, himasin ang kaniyang pisngi gamit ang iyong utong o daliri upang paharapin siya sa suso.

Kahit pa kakaunting gatas lamang ang nakukuha niya sa simula, ang kaniyang pagsuso ang siyang tutulong para dumami ang iyong suplay ng gatas. Sa ilang unang pagkakataong sususo ang iyong sanggol, maaaring limang minuto o tumagal ng hanggang 45 minuto ang bawat sesyon. Kapag napagtanto na ng sanggol na ikaw ang pinagmumulan ng kaniyang gatas at nakapagsanay na ng paghakab, pagsuso, at paglunok, malamang na sumuso siya ng 20 hanggang 40 minuto sa bawat suso. Kung matagal siyang sumusuo sa isang suso, ayos lang na putulin ang kaniyang paghakab at ilipat siya sa kabila.

May Gatas Ka Ba?

Ang unang sususuhin ng sanggol sa kaniyang ina ay hindi gatas kundi colostrum, isang madilaw na likidong mayaman sa mga antibody na siyang nagpapalakas sa kaniyang resistensya. Darating ang iyong gatas sa loob ng ilang araw matapos mong manganak. Huwag kang mag-alala – malalaman mo kapag mayroon na! Maaaring maramdaman mo na para puno ng mga bato ang iyong mga suso, o na parang sasabog ang mga ito (ang tawag dito ay engorgement). Ang magandang balita ay matutulungan ka ng iyong gutom na sanggol. Ang pinakamainam na paraan upang pahupain ang engorgement o pagkapuno ng suso ng gatas ay ang madalas na pagpapasuso. Uminom ng malaking baso ng tubig tuwing magpapasuso ka, kumain nang maayos, at inumin ang iyong prenatal vitamins.

Malaking usapin para sa mga bagong ina kung sapat ang nakukuhang gatas ng sanggol. Kung sa bagay, hindi mo mabibilang kung ilang onse na ang nakuha niya. Kung naririnig at nakikita mong lumulunok ang iyong sanggol, ibig sabihin ay umiinom siya. At kung napupuno niya ang kaniyang diaper o lampin ng ihi at malambot at madilaw na dumi nang hindi bababa sa walong beses sa isang araw, sapat ang nakukuha niyang sustansiya. Gayunpaman, dapat mong tawagan ang iyong pediatrician kung nagpapakita ang iyong sanggol ng mga senyales na ito:

·       Tumitigil sa pagsuso ang iyong sanggol pagkatapos ng 10 minuto o mas maiksi pa.

·       Madalas na maligalig at matamlay ang iyong sanggol.

·       Naninilaw ang balat ng iyong sanggol.

·       Matigas at maitim ang dumi ng iyong sanggol.

Ano’t anuman, kung tutuusin, ang kailangan mo lang upang makapagpasuso ay ang iyong suso.

 

About the author

Medical Team

Our medical team verify the medical accuracy of the articles you read on our site. U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.