PAANO MALALAMAN KUNG MAY TULO? PAANO GAMUTIN O MALULUNASAN BAKIT NAGKAKATULO?

Medical Team
is a Medical expert in United States

Ano mga Dapat Malaman Tungkol Sa Sakit na Tulo o Gonorrhea
Sa panahon natin ngayon, mas nagiging mapusok ang mga kabataan. Ang pagiging mapusok at pagkamausisa sa katawan ng bawat isa ay mas lumalalim, mas ginugustong subukan ang lahat ng bagay. Hindi din maipagkakaila, na sa mundong ginagalawan natin ngayon, nagiging parang normal na lang ang pakikipagtalik sa kung kani-kanino. Dahil sa kagawiang ito, hindi malabong may mga sakit na nakakahawa ang maaari mong makuha. Isa na dito ay ang Tulo (Gonorrhea). 
Ang tulo ay isang nakakahawang sakit na nakukuha sa tatlong aspeto ng pakikipagtalik. Ito ay mas kilala sa tawag na STD o sexually transmitted disease. Ang mga sexually transmitted diseases (STDs) ay mga sakit na mahahawa sa sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sexual contact. Dahil sa nakakahiyang pag-usapan, maraming may mga sakit na STDs ang itinatago ito at hindi nagpapatingin sa doktor. Madalas ay ginagamot na lamang nila ang kanilang mga sarili kahit na hindi ito magandang gawain.
 
Ano ang Gonorrhea o Tulo?
Ito ang pangkaraniwang tawag sa kondisyon kung saan may lumalabas na nana (purulent discharge) mula sa ari ng lalaki. May kasama itong kirot at hapdi kapag umiihi o kaya naman ay may di maalis na sakit sa ari. Sa ibang mga babae na may tulo maari rin walang sintomas na maramadaman. Mahigit na 50 porsiyento ng mga meron nito ay walang sintomas. Sa iba naman maaring magkaroon ng kaunting sakit kapag umiihi o kaya ay may malansang amoy ang lumalabas na kadalasan ay may kasamang mabahong likido o nana mula sa ari kaya. Ito ang dahilan kung bakit ito tinawag na tulo.
 
Ang sanhi o dahilan ng Tulo?
Ang sanhi ng tulo ay ang bakterya na tinatawag na Neisseria gonorrhoeae. Dito nanggaling ang pangalan nito na Gonorrhea sa medikal na konteksto. Gaya ng mga nabanggit, ito ay maaaring mahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik na sekswal. Sapagkat walang sintomas ang tulo, maari kang makipagtalik sa isang taong meron nito ng hindi mo nalalaman. Sa mga lalaking mahilig makipagtalik sa mga bayarang babae, kahit sa tingin mo ay malinis ang babae, hindi nangangahulugan na ito ay wang tulo o iba pang STDs. Sa mga babae naman, kapag ang lalaki ang may tulo, mahigit sa 50 porsiyento ang posibilidad na nahahawa niya ang babae kahit sa isang beses lamang na pakikipagtalik. Ito ang dahilan kung bakit dapat maging maingat din ang mga babae. Narito ang ilan sa mga sintomas ng tulo na nararamdaman kapag ikaw ay nahawa na dapat mong malaman:
 
Sintomas ng Tulo sa mga Babae
·       Nilalabasan ng maputi o maberdeng likido sa iyong ari
·       Pananakit ng puson at balakang
·       Matinding hapdi kapag umiihi
·       Nagkakaroon ng sore eyes
·       Mag pagdurugong nararanasan kahit na walang regla
·       Nagdurugo matapos makipag-sex
·       Namamaga ang ari
·       Nanakit ang lalamunan kapag nakikipag-oral sex
 
Mga Sintomas ng Tulo sa mga Lalaki
·       Nilalabasan ng maputi o maberdeng likido sa iyong ar
·       Mahapding pag-ihi
·       Pananakit ng lalamunan kapag ikaw ay nakikipag-oral sex
·       Masakit or di kaya ay namamaga ang bayag
 
Paano sinusuri ang mga pasyente na may tulo?
Kapag nakaramdam ng anumang sintomas at may suspetsa ka na ito ay tulo, mabuting kumunsulta agad sa doktor upang masuri at ito ay matiyak. Ang doktor ay maaring magsagawa ng swab test. Sa mga lalaki ito ay kukunin sa ihi at sa mga babae naman ay sa matris. Ito ay ipinapadala sa laboratoryo upang masuri. Maari din magsagawa ng pagsusuri sa lalamunan o kaya ay sa puwet para matingnan kung ang bakterya ay nakaabot na rin sa mga bahaging ito ng katawan. Maari ding sa ihi na lamang kunin sa mga babae at ipadala ito sa laboratoryo upang masuri. Ang resulta ay nakukuha matapos ang ilang araw.
 
Paano nagagamot ang tulo?
Hindi tulad ng HIV, ang tulo ay nagagamot. Ang mahalaga ay malaman agad ito ng doktor at ng maagapan. Upang magamot ang tulo maaring magbigay ang doktor ng matinding antibiotic. Maari itong inumin o di kaya ay iturok, depende sa pangangailangan. Ang iyong partner (asawa o kinakasama) ay dapat ding maagapan para di mahawa sa sakit. Mahalaga na matapos ang gamutan kahit na sa iyong palagay ay gumaling ka na. Hindi rin puwede na inumin mo ang gamot na inireseta sa iba. Ito ay magpapalala lamang ng sitwasyon. Kapag ikaw ay positibo sa tulo, dapat mong sabihan ang mga nakatalik mo upang sila rin ay magpasuri sa doktor. Hindi ka rin dapat nakikipag-sex habang ikaw ay naggagamot pa. Maari ka pang makahawa kapag ginawa mo ito. Huwag makikipagtalik ng hindi protektado, dapat ay gumamit ng condom.
 
Mga komplikasyon kapag hindi ginamot ang tulo
Kapag pinabayaan ang tulo ay maaring magdulot ng mas seryosong problema sa parehong babae at lalaki. Sa mga kababaihan, ang tulo ay maaring mauwi sa pamamaga ng matris at fallopian tube na magiging sanhi ng pagkabaog. Ito rin ang itinuturong dahilan ng ilang kaso ng ectopic na pagbubuntis. Dito ang fetus ay nabubuo sa labas ng matris. Delikado ang kondisyon na ito sa ina at sanggol. Sa mga kalalakihan naman, tulo rin ang magiging sanhi ng pagkabaog o kaya naman ay malubhang sakit ng kanilang prostate. Ang bakterya na sanhi ng tulo ay kumakain ng laman at ang paborito nila ay ang malambot na laman katulad ng sa daaanan ng ihi. Ito ang nagpapahirap sa pag-ihi. Ang bakterya na nagdudulot ng gonorrhea ay maari ding kumalat sa dugo at maaaring makamatay. Ang mga taong may sakit na tulo at mas madaling mahawa ng sakit na HIV or AIDS.
 
Ano mga maling paniniwala tungkol sa Tulo?
Dahil sa dumaraming kaso ng tulo, maraming mga maling paniniwala ang naglabasan kung paano mo ito magagamot o kaya ay maiiwasan. Marahil ang alin sa mga ito ay narinig mo na:
·       Ang tulo ay di makakahawa kapag ikaw ay nakipag-oral sex
Hindi lamang ang ari ng babae at lalaki maaring magkaroon ng gonorrhea. Maaring din itong kumapit sa lalamunan kapag ikaw ay nakipag-oral sex.
·       Maaring natural na labanan nga iyong katawan ang tulo
Hindi kaya ng iyong resistensya na labanan ang bakterya na sanhi ng tulo. Kailangan mo ng antibiotic upang ito ay mapuksa. Hindi rin ibig sabihin na kapag ikaw ay nagkaroon na ay hindi na ito mauulit.
·       Malalaman mo agad kapag ikaw ay nahawa ng sakit na tulo
Ito ay mali sapagkat karamihan sa kaso ng tulo ay walang sintomas agad. Malalaman mo lamang kung ikaw ay meron nito sa pamagitan ng pagsusuri ng doktor.
 
Paano maiiwasan ang Tulo?
Ang tulo ay maaring may kasama pang ibang STDs, lalo na sa mga taong high risk ang ugali sa pakikipagtalik. Kagaya ng gumagamit ng prostitutes, nakikipagtalik sa kapwa lalaki at iba pa. Kapag ikaw ay nabibilang dito, mas maige na ang magpasuri sa doktor. Ang pinakamabuti pa rin ay ang pagiging tapat sa asawa o partner, o kaya naman ay pag-iwas sa pakikipagtalik. Ang paggamit ng condom ay makakaiwas rin sa tulo, ngunit ito ay hindi 100 porsiyentong sigurado sapagkat maaari ding makuha ito sa pakikipaghalikan or kaya naman ay sa oral sex. Para mabawasan ang posibilidad na mahawa ng tulo o gonorrhea, gawin mo ang mga sumusunod:
·       Gumamit ng condom kung makikipagtalik.
·       Kung ikaw ay nahawa na, huwag munang makipagtalik at magkonsulta agad sa doktor.
·       Limitahan ang bilang ng pagkakaroon ng sekswal na mga katalik. Irinirekomenda na makipagtalik lamang sa iyong asawa.
·       Ang pag-iwas ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ito kaya iwasan ang pakikipagtalik sa hindi kilala.
 
Kadalasan ay nahihiya ang taong nakakaranas ng mga sintomas ng tulo kung kaya’t mas pipiliin niyang mag-self medicate o uminom na lang ng gamot ng walang reseta ng duktor. Ngunit dapat tandaan na hindi dapat mahiyang lumapit sa doktor sa kahit na anong kondisyong nararanasan sapagkat ang mga doktor ay may prinipsyo ng confidentiality. Nagagamot naman ang tulo, hindi tulad ng HIV. Agad na magpatingin kung sakaling may mga nararamdamang mga sintomas nito. Kinakailangang magamot kaaagad ang impeksyon bago pa ito magdulot ng komplikasyon.

About the author

Medical Team

Our medical team verify the medical accuracy of the articles you read on our site. U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco
 

 

The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)