PAANO MAWALA, MATANGGAL, MAIIWASAN ANG BARICOS? NAMAMAGANG UGAT SA BINTI, KAMAY AT PAA

Medical Team
is a Medical expert in United States

Ano ang Barikos o Varicose Veins?
Ang mga ugat natin sa katawan ay ginawa para maging daanan ng dugo pabalik sa ating puso. Ang varicose veins ay isang kondisyon kung saan ang mga balbula (valves) ng ating ugat ay nasira o di kaya ay humina.

Kaya imbes na makabalik  ng maayos ang dugo patungo sa puso, naiiwan  o nagtatagal ito  sa mga ugat at nagdudulot ng paglapad o paglaki nito. Madalas makikita ang varicose veins o ang manas at naglalakihang ugat sa likod ng binti o alak-alakan, kamay at paa.
 
Ano sanhi o dahilan ng Barikos o Varicose veins?
Maraming dahilan na makakaapekto sa pagkakaroon ng barikos o varicose veins. Kagaya ng edad, kasarian, timbang, genetics (lahi), pagbubuntis, at maging ang uri ng trabaho kung saan nangangailangan ng matagal na pagtayo o pag-upo.
&
Paano makaiwas o maiwasan ang Barikos? Ano ang mga dapat gawin dito?
Para makaiwas sa varicose veins, ating alamin ang mga payong ito:
1.     Iwasan ang matagal na pagtayo o pag-upo - kung madalas kang nakatayo, mas nahihirapan ang dugo sa iyong mga ugat sa binti na makabalik pataas. At dahil dito mas lumalakas ang presyon sa mga ugat sa binti na maaring pagsimulan ng varicose veins. Kung hindi maiiwasan ang matagal na pagtayo o upo, ipinapayong gumalaw galaw kada 30 minuto para maibsan at gumanda ang sirkulasyon ng dugo.
 
2.     Ingatan ang iyong timbang - ang mga obese (labis na katabaan) ay mas madalas magkaroon ng namamagang ugat o varicose veins. Dahil  sa sobrang bigat sa katawan, mas nadadagdagan din ang presyon sa  mga ugat or veins na maaaring makasira nito.  Kaya ugaliin nating  kumain ng wasto at  masusustansyang pagkain. Iwasan din ang masyadong matatamis, matataba at mga processed foods na nagiging sanhi ng high-blood or altapresyon.
 
3.     Ehersisyo – ang regular na ehersiyo gaya ng jogging, zumba, yoga, maging ang paglalakad at stretching ay nakakatulong sa magandang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Ito din ay nagpapalakas ng mga ugat para makaiwas sa varicose veins.
 
4.     Iwasan o limitahan ang pagsusuot ng high heels - sa mga kababaihan, ang pagsusuot ng high heels ay tiyak na nakakaganda. Ngunit ang bigat ng katawan ay napupunta lang sa harapang bahagi ng paa at daliri nito. Dahil dito mas naiipon at napupwersa ang masel at ugat sa bandang alak-alakan  na maaring magresulta sa namamagang barikos o varicose veins.
 
Ano gamot o lunas sa Barikos?
Kung ikaw naman ay nagsisimulang magkaroon o may manas na varicose veins na, gusto mo bang maibsan ang mga sintomas nito? O di kaya’y makaiwas sa lalong paglala nito, alamin ang mga sumusunod:
1.     Pagsusuot ng compression stockings – ito ay parang masikip na medyas na madalas aabot hanggang hita kapag isinuot. Ang mga stockings na ito ay umiipit sa masel at ugat ng binti para hindi ito mamaga. Kinakailangan itong suotin simula pag-gising at tinatangal naman bago matulog.
2.     Pagtataas ng binti -  ang pagtataas ng binti ay nakakatulong maibsan ang mga sintomas ng varicose veins. Mas mainam na itaas ang binti nang mas mataas pa sa iyong puso. Maari itong gawin ng mga 20-30 minuto habang nakahiga, 3 hanggang 4 na beses sa isang araw.

3.     Pagpapamasahe -  ito’y nakatutulong na pagandahin ang sirkulasyon ng dugo sa buong katawan. Tandaan lamang na huwag masyadong madiin ang masahe para hindi mabugbog ang mga ugat o veins.
4.     Pagpapahid ng buto ng kamatis -  ang buto ng kamatis ay mayroong salicylic acid na kagaya ng gamot na aspirin, ito’y may anti-coagulant o pang-iwas sa pamumuo ng dugo. Paano gawin? Ipahid  lang  ang buto ng kamatis sa apektadong ugat 3 hanggang 4 na beses sa isang araw. Gawin ito sa loob ng 2 buwan.
 
Kung ang iyong varicose veins ay medyo malala na o kung gusto mong matanggal ito ng mabilisan, may mga paraang medical na maaring gawin.
 
Isa sa mga luma ngunit subok ng paraan ng pagtanggal sa varicose vein ay ang Phlebectomy.  Ito ay ang paghiwa at pagtangal ng mga naglalakihang ugat sa binti gamit ang anestisya or pangpamanhid.  Mayroon ding tinatawag na foam sclerotherapy, kung saan nag iinject ng foam (labadura) sa mismong ugat para magdikit o magsama ang apektadong ugat.
 
Kung ang mga nabanggit sa taas ay hindi gumana, nirerekomenda naman ang Laser ablation. Gamit ang isang tubo na may laser sa dulo, ipinapasok ito sa apektadong ugat. Ang laser ay nagdudulot ng init at nagpapasara sa mga ugat para hindi na ito madaluyan ng dugo. Pagkatapos tatangalin na ang ugat gamit ang isang stripping device. Mas simple ito kumpara sa normal na operasyon gaya ng phlebectomy.
                                                                                                
Sinubukan mo na ba ang mga nabanggit dito upang mapagaling ang iyong barikos o naglalabasang ugat sa binti, paa o kamay ? Kung hindi pa, mas magandang komunsulta pa din sa doktor bago subukan ang mga ito.

About the author

Medical Team

Our medical team verify the medical accuracy of the articles you read on our site. U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.