PAANO MAWALA SIPON AT UBO NG BABY SANGGOL? ANO GAMOT PANG SIPSIP PANTANGGAL?

Dr. Jen Cruz
is a Medical expert in United States

Paano ang pag-aalaga at gamot sa sanggol na may ubo at sipon?
Lahat ng sanggol ay isinisilang na may likas na immunity (proteksyon) sa mga sakit. Ngunit hindi pa ganap na buo ang kanilang mga immune system at kaya naman mas madali silang madapuan ng sipon at ubo. 
 
May mga natural bang pamamaraan para mabawasan at matigil ang ubo at sipon ng sanggol, lalo na kapag may kasamang lagnat ang baby?  Paano matanggal ang uhog o may pantanggal ba na nagsisip ng plema ng bata, at para ang uhog ay palabasin? Narito ang mga ligtas at mabisang gawin sa mga sanggol na may ubo o sipon:
 
1. Gatas ng ina – ang pagpapasuso ng ina ay napakasimple ngunit napakabisang panlaban sa mga bakterya at virus sa katawan ng sanggol. Ipinapayo ding mas dalasan ang pagpapasuso sa sanggol kapag sila’y may ubo o sipon, ito’y nakakadagdag ginhawa sa kanila. Maaari din magpatak ng gatas ng ina sa magkabilang nostrils (butas ng ilong) ng sanggol. Sinasabing nagpapabilis itong makagaling ng sipon.
 
2. Steam Bath/Air – ito ay ang paggamit ng mainit na singaw para maibsan ang ubo at sipon ng sanggol, at para lumabnaw ang uhog at plema ni baby. Maaaring gumamit ng mainit na tubig mula sa shower o di kaya’y pinakuluang tubig na isinalin sa balde o palanggana, para makagawa ng steam air.  
 
3. Humidifier o Vaporizer - gamitin ito lalo na kapag malamig ang panahon. Nakatutulong ito madagdagan ng moisture ang bahay o kwarto, para maiwasan ang tuyong airways (daanan ng hangin) at mabawasan ang ubo ng bata.
 
4. Suctioning – ito ay ang pag-sipsip ng mga bara, uhog o sipon sa ilong, para lumuwag ang paghinga ng sanggol o baby. Maaaring gumamit ng suctioning bulb o drops (katulad ng Salinase nasal spray) para palabasin at masipsip ang mga singa at uhog ng bata.
 
5. Ipinapayong itaas ng bahagya ang ulo ng sanggol gamit ang unan, kapag ito’y nakahiga o matutulog, lalo na sa gabi. Nakatutulong itong mas mapadali ang paghinga nito at matanggal ang baradong ilong.
 
6. Siguraduhing may sapat na fluids at electrolytes ang sanggol.  Dagdagan ang pagpapa-inom ng tubig, gatas ng ina o formula milk (gatas na tinitimpla).
 
7. Paggamit ng vapor rub - may mga ginawa nito para mismo sa mga sanggol. Ito’y mga eucalyptus based oils na kadalasang ipinapahid sa likod at dibib. Siguraduhing tingnan ang balat kung may sugat o rashes, bago maglagay nito, dahil ang iba ay mayroong allergic reaction. Tandaan na maaaring makairita ito sa balat ng sanggol.
 
8. Pag-gamit ng bawang – maaaring ipaamoy  ang bawang sa sanggol na may sipon o ubo. Ito’y makakatutulong sa kanyang baradong ilong at pagaanin ang paghinga nito.
 
9. Panatilihing malinis ang bahay – ang mga dumi at alikabok ay lalong makakairita sa sanggol na may ubo at sipon. Kung may mga nagsisigarilyo o nagsisiga sa inyong bahay, sabihang itigil muna o kaya’y gawin ito malayo sa inyo. Ang usok nito ay nakakadagdag sa pamamaga ng airways ng sanggol at plema sa dibdib.
 
10. Iwasang dalhin ang sanggol sa mga matao o pampublikong lugar - Limitahan din ang mga taong magbabantay, lalapit, at hahawak sa sanggol. Sila’y maaaring magdala ng karagdagang virus o bakteriya sa sanggol.
 
Maaari ba silang bigyan ng gamot sa sipon at ubo?
Sinasabing ang pagpapainom ng gamot sa sanggol ay maaaring delikado, lalo na kapag hindi ito nireseta ng isang doktor. Ang mga gamot sa sipon at ubo ay maaaring magdulot ng di kanais nais na epekto. Kabilang dito ang pagbilis ng tibok ng puso at kombulsyon ng sanggol. Higit ding ipinagbabawal ang pagbibigay ng aspirin sa isang sanggol. Kung ang sanhi ng ubo at sipon ay dahil sa virus, ang mga antibiotics ay walang silbi dito.
 
Kung talagang kinakailangan bigyan ng gamot ang isang sanggol, siguraduhing tama ang dosage o dami ng gamot na ibibigay, nasa tamang oras, at wasto ang paghahanda nito.
 
Ang pagkakaroon ng sipon at ubo ay hindi na bago sa mga sanggol. May mga magulang na madaling mataranta kapag ang kanilang mga anak ay may sakit, lalo na kapag may lagnat ang bata. Mayroon din namang hindi sigurado kung kailan kailangan magpatingin sa doktor. Ipinapayo ng mga espesyalista na wag ipagwalang bahala ang ubo at sipon, lalo na ang mga uhog at plema na nakakasanhi ng baradong ilong. Pinapaalala lalo na sa mga sanggol na edad 2 buwan pababa, na kinakailangan silang masuri agad ng isang doktor para makaiwas sa lagnat at mga seryosong komplikasyon.

About the author

Dr. Jen Cruz

U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco

The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately.

 

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)